
Malapit nang mapanood sa telebisyon si Diana Zubiri dahil kasama siya sa cast ng upcoming GMA Prime series na Mga Batang Riles.
Sa ginanap na story conference ng programa, tinanong ng GMANetwork.com kung babalik na ba sa Pilipinas si Diana matapos ang ilang taong paninirahan sa Australia.
Sagot niya, "Gagawin ko 'yung show pero babalik pa rin naman ako sa Australia, parang balik-balik. Depende kung ano 'yung plan for this show din, sa magiging schedule."
"Unang una, nung itinawag ito sa akin, parang naisip ko, kasi magbabakasyon talaga ako dito, naisip ko lang baka naman puwedeng i-extend lang ['yung bakasyon], tapos full show pala. Akala ko guest lang ako kasi sanay naman ako sa offers before because alam nga nila na nasa Australia ako."
Dagdag ni Diana, pinag-usapan nila ng asawang si Andy Smith kung tatanggapin niya ang offer na gawin ang Mga Batang Riles.
"Tinanong ko muna 'yung asawa ko kung okay dahil siyempre hindi ako puwede mag-decide dahil may mga anak kaming maliliit pa," paliwanag ni Diana.
"Nung pumayag siya, 'yun na rin 'yung call ko na, oo, sige, susubukan namin kung magwo-work 'yung plano na dito and then doon. We'll see, we'll see."
Bibida sa Mga Batang Riles sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Raheel Bhyria, Bruce Roeland, Antonio Vinzon, at Zephanie.
Bukod kay Diana, kasama rin dito sina Desiree Del Valle, Jay Manalo, Mr. Ronnie Ricketts, at Ms. Eva Darren.