
Kitang kita ang saya sa mukha ni Encantadia actress Diana Zubiri nang mag-guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) dahil may bumisita sa kanyang dating kasamahan sa Bubble Gang.
Sa vlog na in-upload ng aktres ngayong Lunes, November 13, ipinasilip niya ang ilang highlights nang makapanayam siya ni Tito Boy.
Sa mismong taping na 'yun ay binisita siya ni Ka-Bubble Diego Llorico.
Matatandaang bago lumabas sa TV si Diego bilang isa sa mga talent ng Bubble Gang ay dati itong nagtatrabaho bilang production assistant.
Samantala, sa exclusive interview niya sa FTWBA, nagbigay din ng bilin si Diana para sa bagong Sang'gre na si Bianca Umali na gaganap bilang Terra sa much-awaited telefantasya series.
Payo niya sa Sparkle actress, “For me, kung ano 'yung hindi ko nagawa at that time. Kasi, sabi stay fit and stay healthy, during that time na ginagawa namin, kasi mahirap Tito Boy. Parang hindi na ako nakakuha talaga ng time to exercise and to eat good. Kaya medyo habang tumatagal, parang lumalaki na si Danaya. Isa 'yan sa mga dapat responsibility.”
Pero dagdag ni Diana, “Huwag ka ma-pressure, anak! Huwag ka ma-pressure kasi siyempre 'pag puyat ka, kailangan ng good food and siyempre 'pag napupupuyat ka, kailangan gusto mo 'yung kinakain mo, 'yung ginagawa mo, pero kung magkakaroon ka lang ng time siguro 'yun.
“'Yung responsibility mo is to look good and to eat good, and to be healthy din as Danaya, kasi hindi ka makakapag-perform nang maayos kung hindi ka rin naman healthy.”
DIANA ZUBIRI'S SIMPLE LIFE IN AUSTRALIA:
Dalawang taon nang naninirahan si Diana Zubiri at ang mister niyang si Andy Smith sa Australia. Nagpakasal ang dalawa noong May 2015.
May tatlo silang anak na sina Aliyah Rose, Amira Jade at King. Si King ay supling ni Diana sa yumao niyang asawa na si Alex Lopez.