
Binalikan ni Dingdong Avanzado ang surprise vow renewal nila ng kaniyang asawa na si Jessa Zaragoza .
Sa panayam ni Dingdong kasama sina Jessa at ang kanilang anak na si Jayda Avanzado sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, May 5, ibinahagi niya na matagal na niyang planong pakasalan muli si Jessa.
“I actually thought about this long before pa. I was telling myself kay Jessa na 25 years, if that happens, I want to renew my vows. I want to marry you again," aniya.
Para maging matagumpay ang kaniyang plano, humingi siya ng tulong sa kanilang anak na si Jayda.
"And I remembered talking to Jayda about it, but I put it together. I put it in motion about a year ago. 'Yung last year, sabi ko, siyempre kailangan planuhin natin 'to. We have to have attention to detail because si Jessa, mahirap surpresahin. Alam niya lahat ng schedule namin e," kuwento niya.
Dagdag niya, “I told Jayda, it's time. I want to marry your mom again. It's our 25th year, and I want to surprise her, but I need your help, alam mo naman 'yang mommy mo, may pagka-detective 'yan."
Ibinahagi rin ni Dingdong na si Jayda ang naghanap at nakipag-ugnayan sa mga event planner at coordinator.
Samantala, ikinuwento naman ni Jessa ang kaniyang naging reaksyon at kung nakaramdam ba siya ng anumang sorpresa mula sa kanyang asawa.
“Wala, Tito Boy, kasi medyo na-throw off din talaga ako kasi nung March 18, 'yung booking agent namin sa Cornerstone, binigyan kami ng trabaho. So, ang sabi nila may inquiries sa amin ni Dingdong na magpe-perform kami para sa isang jewelry launch," bahagi niya.
Habang nasa moment na iyon, inamin niyang hindi niya agad napagtanto na may sorpresa pala na inihanda para sa kaniya.
“Hindi ko pa agad na-realize, so pagtingin ko naman sa kanan, nakita ko 'yung friends namin. Tapos 'yung mga tao, nakaano na 'yung mga phone nila, 'yung camera, tapos tumingin ako ulit sa kaliwa, nakita ko na 'yung musical director naming si Elmer Blancaflor, nakaupo siya sa piano. Doon ko na naisip na, oh my, may surprise," kuwento ni Jessa.
Naganap ang kanilang vow renewal noong March 19 sa The Atrium sa Enderun sa Taguig City.
Unang ikinasal sina Jessa at Dingdong noong March 18, 2001. Ipinanganak naman ang kanilang anak na si Jayda noong June 1, 2003.
RELATED GALLERY: Jessa Zaragoza and Dingdong Avanzado renew vows in beautiful wedding