
Muling nagkasama sina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Diamond Star Maricel Soriano nang mag-guest ang batikang aktres sa weekday game show na Family Feud.
Matatandaan na nagkasama sina Dingdong at Maricel sa GMA hit series noon na Ang Dalawang Mrs. Real kung saan gumanap sila bilang mag-asawa na may malaking agwat ang edad.
Sa pagbisita ni Maricel sa Family Feud, binalikan nila ang eksena sa nasabing serye kung saan sinampal-sampal niya noon si Dingdong nang mahigit sa dalawampung beses.
Kasama ni Maricel sa kaniyang team ang kaniyang mga kapatid na sina Mel Martinez, Mykee Soriano, at kaniyang pamangkin at award-winning actress na si Meryll Soriano.
Makakalaban ng Soriano Family ang pamilya naman ng isa ring palabang aktres na si Gladys Reyes. Bitbit ni Gladys sa kaniyang team Reyes-Sommereux Family ang kaniyang anak na si Christophe Sommereux, kaniyang kapatid na si Janice Reyes, at kaniyang pinsan na si Jermaine Reyes.
Kamakailan, idinaos ni Gladys at kaniyang asawa na si Christopher Roxas ang kanilang 20th wedding anniversary.
Mapapanood ang tapatan ng Soriano Family at Reyes-Sommereux Family, ngayong Lunes, 5:40 PM sa GMA.
Puwede rin mapanood ang programa sa official Family Feud Facebook page at may livestreaming worldwide via the official YouTube channel ng Family Feud at Kapuso Stream.