
Muling bibida sa isang action-drama series si primetime action hero Ruru Madrid.
Isa siya sa lead stars ng upcoming teleserye na Hari ng Tondo.
Dahil gaganap siya bilang isang lalaking lumaki at hinubog ng Tondo, agad siyang bumisita sa lugar para makilala at mas maintindihan ang mga tao dito.
"Noong natutunan ko pong kilalanin sila at aralin po kung papaano ba ang pamumuhay sa Tondo, na-realize ko na ganoon pala talaga sila kalalim na tao," kuwento ni Ruru.
Hindi rin tumigil si ang aktor sa physical training niya. Masisilip sa kanyang social media accounts ang patuloy niyang pagsasanay sa Filipino martial arts.
Sa katunayan, isa ito sa mga ibibida sa kanilang serye.
"'Yung panuntukan is dirty boxing so sabi ko, parang swak na swak sa Tondo. Ever since din, talagang todo ensayo hanggang sa kahit nasa Spain ako, takbo ako nang takbo," bahagi niya.
Ang panuntukan o dirty boxing ay isang uri ng martial art kung saan pinaghalo ang mga elemento ng tradisyunal na boxing, wrestling, at iba bang hand-to-hand combat.
Bukod sa mga kamao, ginagamit dito ang lahat available na bahagi ng katawan para depensahan ang sarili.
Image Source: gmadrama (Instagram)
Makakasama naman ni Ruru sa Hari ng Tondo si Kapuso Drama King Dennis Trillo.
Ito ang unang beses nilang magkakasama sa isang television series.
"Finally, ngayon sa isang teleserye, mas mahaba, mas maraming oras na magkakasama kami ni Kuya Dennis so I'm very excited," sabi ni Ruru tungkol sa co-star.
Ito rin ang magsisibling reunion project nila simula noong magkasama sa award-winning film na Green Bones.
"Minsan lang kami magkatabaho ni Ruru pero pagka binibigyan kami ng pagkakaton magkatrabaho, talagang sigurado na maganda at saka isang malaking proyekto talaga," lahad naman ni Dennis.
Bukod kina Dennis at Ruru, bahagi rin ng serye sina Rocco Nacino, Ryza Cenon, Ysabel Ortega, Elle Villanueva, Arra San Agustin, Victor Neri, Nonie Buencamino, at Isko Moreno.
Si Enzo Williams naman ang magsisilbing direktor ng serye.
Samantala, panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.