
Matapos ang limang pelikula, ilang serye, at nominasyon sa Golden Globe Awards at British Academy Film Awards, masasabing nasa tuktok na ng kaniyang karera ang Filipina international actress na si Dolly de Leon.
Ngunit sa pag-amin ni Dolly sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 14, nalulungkot din siya paminsan-minsan lalo na at ibang-iba ang manirahan at magtrabaho sa Amerika kumpara sa Pilipinas.
“Especially dahil iba 'yung time difference doon e. Like 'pag nandu'n ako, napipilitan akong mag-Ingles the whole time. Nakakapagod mag-Ingles the whole time, 'di ba? Ta's pag-uuwi ako galing work, tulog na 'yung mga anak ko, wala akong makausap, so yeah, it can be lonely,” sabi ni Dolly.
Sa kabila nito, pinipili ng aktres na maging positibo at iwasang malungkot sa kaniyang sitwasyon. Aniya, sayang naman ang talento at oportunidad na ibinigay sa kaniya ng Panginoon kung magiging malungkot lang siya.
ALAMIN ANG LAGAY NI DOLLY NGAYON BILANG INTERNATIONALLY-ACCLAIMED ACTRESS SA GALLERY NA ITO:
Bukod sa awards at nominations na nakuha, naging parte rin si Dolly ng actors branch ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences, isang professional honorary organization na layong i-advance ang arts and sciences ng mga pelikula. Pag-amin pa ng aktres, noong una niyang natanggap ang email ng imbitasyon sa kaniya, inakala niyang scam lang iyon.
“Nu'ng lumabas 'yung 'Triangle of Sadness,' may natanggap akong email inviting me to become a member of the actors branch of the AMPAS. Tapos ang una kong ginawa, i-screenshot ko 'yung email, sinend ko kay Adam, ta's sabi ko, 'Totoo ba 'to? Scam ba 'to?' sabi niya, 'No, that's real They're inviting you,'” pagbabahagi ni Dolly.
Sabi ni Dolly, isang honor para sa kaniya ang maging bahagi ng AMPAS, “Bukod sa importante para sa 'kin na marinig 'yung boses natin bilang artist, importante rin marinig 'yung boses natin bilang Pilipino. Kasi minority tayo, e. I will always say this, many times. Minority tayo within a minority group.”
Ani Dolly, ngayon ay hindi na minority ang mga Pilipino sa naturang organisasyon at umaasa siyang hindi na mangyayari ulit iyon sa hinaharap.
“May right tayong bumoto, at may right tayong magsalita kung ano sa tingin natin ang karapat-dapat, kung sino ang ma-nominate. Kaya diligent ako pagdating diyan, Sir Boy. Every time na award season, pinapanood ko talaga as much as possible,” sabi ng aktres.