
Malaking karangalan umano para kay Dolly de Leon ang maging bahagi ng Actors Branch ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS). Ngunit mas magiging malaking karangalan ang makita ang isang Pinoy na maging nominado para sa Academy Awards ng organisasyon, na mas kilala bilang Oscars.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 14, sinabi ni Dolly kung gaano kalaking karangalan ang magkaroon ng Pinoy na ma-nominate at kalaunan ay manalo sa Oscars.
Pag-amin pa ng aktres, noong una ay hindi naman importante iyon sa kaniya. Ngunit nagbago ang kaniyang pananaw dahil sa mga nagawa ng Pinoy tennis player na si Alex Eala.
“'Yung pride na na-experience ng buong country nu'ng nanalo siya a few times sa Wimbledon, so parang kailangan natin ng ganu'ng enthusiasm and ganu'ng motivation para mas galingan pa natin,” sabi ni Dolly.
Related gallery: Dolly De Leon, ikinuwento ang karanasan sa Hollywood
Ibinahagi rin ni Dolly kung papaano siya naging parte ng AMPAS. Nakatanggap daw siya ng email na naglalaman ng imbitasyon para maging bahagi ng naturang organisasyon. Noong una ay hindi pa siya naniwala at inakalang scam iyon.
“Nu'ng lumabas 'yung Triangle of Sadness, may natanggap akong email inviting me to become a member of the actors branch of the AMPAS. Tapos ang una kong ginawa, ini-screenshot ko 'yung email, sinend ko kay Adam, sabi ko, 'Totoo ba 'to? Scam ba 'to?' sabi niya, 'No, that's real They're inviting you,'” pagbabahagi ni Dolly.
Isang malaking karangalan din para sa internationally acclaimed actress ang mapabilang sa naturang organisasyon. Para sa kanya, bukod sa importanteng marinig ang boses niya bilang isang artist, mahalaga ring marinig ang boses niya bilang isang Pilipino.
“Kasi minority tayo, e. I will always say this, many times. Minority tayo within a minority group. So ngayon, masasabi kong hindi na, hopefully and in the long run, hindi kasi may right tayong bumoto, at may right tayong magsalita kung ano sa tingin nating ang karapat-dapat kung sino dapat ang ma-nominate,” sabi ni Dolly.
Diligent din umano ang aktres sa panonood tuwing award season. Hindi man niya napapanood lahat, sinisigurado niyang nakakapanood siya at nakakaboto taon-taon.
Panoorin ang panayam kay Dolly dito: