
Nagsampa na rin ng cyber libel case ang aktor na si Dominic Roque laban sa showbiz columnist at online host na si Cristy Fermin sa Office of the City Prosecutor ng Pasig City.
Ayon sa Instagram post ng GMA Integrated News reporter na si Nelson Canlas, ang ilang malicious statements and innuendos na sinabi ni Cristy sa kaniyang YouTube channel na “Showbiz Now Na” ang naging basehan ni Dominic para magsampa ng kaso.
Matatandaan na unang naghain ng kaso laban kay Cristy at kay Ogie Diaz kasama ang mga co-host nito sa kanilang online shows ang ex-fiance ni Dominic na si Bea Alonzo.
Base sa complaint affidavit ni Bea, siya ay biktima ng paninira, malisyoso, at walang katotohanang akusasyon mula sa isang basher na nagpakilalang malapit sa kaniya, na inilabas naman sa online programs nina Cristy at Ogie.
Samantala, wala pang inilalabas na buong detalye tungkol sa paghahain ng kaso ni Dominic laban kay Cristy.
Noong July 2023 nang ma-engage sina Dominic at Bea, pero Pebrero ngayong taon, pumutok ang balitang naghiwalay na ang dalawa.
Ilang linggo matapos ito, kinumpirma nina Dominic at Bea ang kanilang naging hiwalayan sa magkahiwalay na Instagram posts. Ngayong 2024 sana nakatakdang ikasal ang celebrity couple.
Samantala, abala naman ngayon si Bea sa taping ng kaniyang bagong Kapuso series na Widow's War kasama si Carla Abellana.
RELATED GALLERY: High profile libel complaints in Philippine showbiz