
Makapigil hiningang labanan sa pagitan ng Shrek Academy at Shi Lan Ke ang nasaksihan sa pagtatapos ng Douluo Continent ngayong Biyernes (April 22).
Dehado sa unang labanan ang Shrek Academy sa pangunguna ni Tang San (Xiao Zhan) ngunit nakabawi naman ang grupo nang sila ay nagtulungan at nagsanib pwersa.
Tuluyan nilang natalo ang Shi Lan Ke nang mapwersa si Tang San na gamitin ang kanyang kapangyarihang diwa.
Matapos manalo ay akala nila ay tapos na ang laban. Ngunit ito pala ay simula pa lang sa mas malaki pang laban ni Tang San katapat ang makapangyarihang soul master na si Bi Bi Dong (Zhu Zhu).
Dahil hindi maaaring magsama ang soul beast at isang mortal, pilit pinaghihiwalay ni Bi Bi Dong sina Xiao Wu (Wu Xuan Yi) Tang San. Malakas ang kapangyarihan ni Bi Bi Dong kung kaya't hindi ito malabanan ng dalawa.
Ikinagulat naman ni Tang San ang biglang pagdating ng kanyang ama na si Tang Hao na matagal niyang hindi nakita. Ito ang tumulong sa kanila upang makaalis sa mga kamay ni Bi Bi Dong.
Ipinaliwanag ni Tang Hao kay Xiao Wu na hindi makabubuti sa kanila ni Tang San ang kanilang pagsasama dahil sa magkaiba nilang pinagmulan at kapangyarihang diwa.
Masakit man para sa kaniya, upang mailigtas lamang si Tang San sa kapahamakan ay sinunod ni Xiao Wu ang utos ni Tang Hao. Isang matamis na halik ang iniwan ni Xiao Wu sa minamahal niyang si Tang San.
Abangan ang susunod na kabanata ng Douluo Continent, samantala abangan naman sa Lunes (April 25), ang maaksyong kuwento ni Kumiko Yamaguchi at ng kanyang mga pasaway na estudyante sa Japanese drama manga series na Gokusen, Lunes hanggang Biyernes, 8:25 ng umaga sa GMA!