
Isa sa mga pinapanood at tinatangkilik ng netizens sa YouTube channel ni Ogie Diaz ay ang Filipino vlogger na si Dyosa Pockoh. Madalas siyang nakikita kasama ang showbiz columnist at iba pang mga kasamahan, na nagbibigay ng mga komento o reaksyon tungkol sa mga balitang showbiz.
Ngunit sa kabila ng mga reklamo na isinampa ng mga artista laban sa kanilang grupo, kumusta na kaya si Dyosa? Sa isang panayam kasama si Aiko Melendez, ibinahagi ng influencer ang kaniyang mga karanasan nang nakasama siya sa online content ni Ogie. Dito inamin ni Dyosa na nagkaroon siya ng ilang pagkakataon na mag-alangan sa pagbabalita tungkol sa mga artista.
"Medyo na a-ano ako na hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko. Sanay naman ako makipag-ano, tsismosa din naman ako talaga sa tunay na buhay. 'Yung mga kaibigan ko, ganiyan. Pero pag-artista na at kita na ng buong universe na, 'Ay! Ang tsismosa ng bakla,' minsan na-aalangan ako," pahayag niya.
Ngunit nilinaw ni Dyosa na hindi sila nilalagay ni Ogie sa alanganin at madalas siyang natutuwa sa kanilang content. "Pero nakaka-enjoy naman dahil si Tito Ogie naman, hindi naman niya kami parang ilalagay sa ano alanganin," paglilinaw niya.
Dahil madalas siyang nagbibigay ng nakakatawang reaksyon sa kanilang content videos, hindi raw siya nabibiktima ng madalas sa mga reklamo o sinasampang kaso mula sa mga artista. "Actually 'yung ano ako sa likod more on kung ano 'yung isyu nagpapatawa lang ako doon. Binabali ko lang 'yung ano nila, pinagtsitsismisan nila," paliwanag niya.
Dagdag pa niya, "Kaya laging 'pag may mga demanda... hindi ako lagi nakakasama, awa ng Diyos."
Sa huli ng kaniyang panayam, nagbigay si Dyosa ng mensahe para kay Ogie. Pinasalamatan niya ito sa pagiging tatay, nanay, o kapatid dahil sa mga tulong at alaga na binibigay sa kaniya.
"Maraming, maraming salamat dahil ang dami kong mga narating na hindi ko ine-expect dahil sa kaniya [Ogie]. Sa vlogging ko na-suspended ako, na not recommended 'yung page ko, at least merong showbiz update na hindi nawala na nandiyan pa rin. Kahit madaming sikat na influencers ngayon, parang feeling ko hindi pa rin ako nawawala kasi napapanood pa rin nila ako sa showbiz update. Kaya maraming, maraming salamat Tito Ogie," sabi niya.
Panoorin ang kanilang panayam dito: