GMA Logo Edgar Mortiz, Nora Aunor
What's on TV

Edgar Mortiz, nagkuwento sa love triangle nila nina Nora Aunor at Tirso Cruz III noon

By Jimboy Napoles
Published April 29, 2024 6:53 PM PHT

Around GMA

Around GMA

ICI calls for probe on Cabral’s death
CNU grads top licensure exams for teachers
Maluhong ina, TINITIPID ang anak at asawang may sakit! | Barangay Love Stories

Article Inside Page


Showbiz News

Edgar Mortiz, Nora Aunor


Bago makapareha si Vilma Santos, una munang naka-loveteam ni Edgar Mortiz si Nora Aunor.

First time sa Fast Talk with Boy Abunda na ikinuwento ng batikang direktor na si Edgar “Bobot” Mortiz ang pagiging love triangle nila noon nina Superstar Nora Aunor at Tirso Cruz III.

Sa episode ng nasabing talk show ni Boy Abunda ngayong Lunes, April 29, sinabi ni Direk Bobot na panahon pa lamang nila ay uso na ang mga loveteam.

Aniya, “Diyan ako nagsimula sa loveteam na 'yan at nakita ko kung paano 'yan nagsimula. Dati na naman sa showbiz may mga loveteam na pero sa tingin ko nagsimula 'yang loveteam doon sa time namin.”

Dito proud na sinabi ni Direk Bobot na si Nora ang kaniyang unang ka-loveteam.

Kuwento niya, “Ang una kong ka-loveteam ay si Ate Guy, si Nora Aunor. Kasi pareho kaming sumali sa Tawag Ng Tanghalan. So ang nauna sa akin si Ate Guy, pagkatapos ng year niya, sumali naman ako sa Tawag ng Tanghalan.

“Nandoon pa lang ako sa show, nilapitan na ako ni Tony Santos Sr. at sinabi niya sa akin, pagkatapos mo rito, ire-regular na kita. Meron siyang show na parang daily show, 'yung Oras ng Ligaya. [Sabi niya], 'Ilalagay na kita, ipa-partner kita kay Nora.'”

Pero ayon kay Direk Bobot, hindi niya niligawan si Nora at hindi rin sila nagkagustuhan kahit pa magka-loveteam sila noon.

Aniya, “Hindi kasi Kuya Boy medyo bata pa ako no'n e. Nag-loveteam kami pero siyempre mga bata pa kami hindi kami…parang laro-laro lang.”

Hindi rin nagtagal ay nagkaroon sila ng ka-love-triangle nang dumating ang batikang aktor na rin ngayon na si Tirso Cruz III.

“Nagsimula muna kami ni Ate Guy tapos pinasok ni Tony Santos si Tirso [Cruz III], naging love triangle kami. Dito nagsimula Kuya Boy 'yung sinasabitan kami ng sampaguita,” ani Direk Bobot.

Nagkuwento pa si Direk Bobot kung paano nagkaroon ng rivalry ang fans ng iba't ibang love teams noon ni Nora o ni Ate Guy.

Paglalahad ni Direk Bobot, “Observant ako Kuya Boy e. Nandoon ako sa booth, pinag-aagawan kasi kung Nora-Eddie Garcia ka, Guy and Pip ka, or Nora-Bobot ka.

“So, one time nasa likod ako ng control, sabi ni Tony Santos, 'Camera 1 doon ka sa audience, shot-an mo 'yung audience magpapaluan ng silya 'yan.' Maya-maya nagpaluan ng silya 'yung fans namin, nag-away. Tapos sabi ko, 'Papano mo nalaman Direk?' Sabi niya, 'Inutos ko.' So doon nagsimula 'yung rivalry namin, 'yung triangle.”

Ayon pa kay Direk Bobot, na-develop na noon sa isa't isa sina Nora at Tirso kaya nawala na rin siya sa eksena.

“So sabi nga unahan kami ni Tirso na ligawan si Ate Guy e, ang nangyari no'n Tito Boy, nagka-in-love-an sina Ate Guy at si Pip. So parang naalala ko Tito Boy gumawa pa kami ng pelikula, noong talagang sikat na sikat kaming tatlo kaya lang nagka-in-love-an na sila kaya sa kalagitnaan ng pelikula, tinawag na ako ng producer…tinanggal na ako,” natatawang sinabi ni Direk Bobot.

Dagdag pa niya, “So naging Guy and Pip na sila, ako naman balik sa kanta-kanta.”

Pero hindi rin naman nagtagal ang pagiging solo ni Direk Bobot nang makilala niya si Vilma Santos o Ate Vi na kaniya ring naging ka-loveteam.

Kuwento niya, “May radio show kami no'n every Sunday. So, papasok na kami, nakita ko si Vilma, ume-exit. So nung nakita ko si Vilma, sabi ko, 'Ito ang gusto kong maka-partner.'

“So ang ginawa ko non kay Tita A, sabi ko, 'Tita A, lapitan mo, sabihin mo gusto ko siyang maka-partner.' So, doon nagsimula.”

Samantala, balik-recording na rin si Direk Bobot sa kaniyang album na pinamagatan niyang Going Standard. Laman ng nasabing album ang kaniyang classic songs. Mapapakinggan din ito sa lahat ng music streaming platforms.

Related gallery: Love teams na nagkarelasyon ngunit naghiwalay rin