
Bilib na bilib ang direktor na si Rado Peru sa Sparkle actress na si Elle Villanueva sa naging pagganap nito sa pambansang revenge drama na Makiling.
Si Direk Rado ang direktor ng nasabing series na pinagbidahan naman ni Elle at ng kaniyang real-life boyfriend na si Derrick Monasterio.
Sa isang video para sa finale ng Makiling, ikinuwento ni Direk Rado ang naging production nila sa serye at ang experience niya na makatrabaho ang aktres na si Elle.
“Iba si Elle e. Sabi ko nga, nakapulot ako ng bato tapos ginto pala 'yung napulot namin. Bago nga siya tapos pinapakita niya sa akin na parang napaka-beterana na niya,” pagbibigay puri ni Direk Rado kay Elle.
Dagdag pa niya, “Kapag sinabi ko sa kaniya na dito siya iiyak, ibinibigay niya 'yun. Ganito ang gusto ko. Wag kang iiyak, teary lang. Ibibigay niya 'yun.”
Kuwento pa ni Direk Rado, mabusisi ang ang kanilang naging tapings para sa naturang revenge series.
Aniya, “Araw-araw kaming may action e. Araw-araw kaming may drama. Araw-araw mahirap. Wala kaming magaan na taping dito.”
“Natutuwa ako kasi nagagawa namin ng maayos, Nagtatalo-talo kami. Dapat ganito, dapat ganyan, pero nagma-match kami,” ani Direk Rado.
Samantala, finale media conference ng Makiling, sinabi naman ni Elle na malaki ang naitulong ng serye upang mahasa ang kaniyang talento sa pag-arte.
Aniya, “Napakalaki ng naging impact sa akin, kasi binigyan nila ako ng opportunity na mapakita how versatile I can be from my role. Grabe 'yung lessons and improvement I think na nagawa ko para sa sarili ko dahil po sa kanila.”
Dagdag pa ni Elle, ibang klase ng training ang ipinaranas sa kaniya ng production upang mas maging mahusay sa kaniyang trabaho bilang aktres.
“Kaya hindi ko rin maiwan 'yung show na 'to kasi malaki 'yung nabigay niya sa akin na blessing. Dati naalala ko noong mga unang parts kahit pagod na pagod na talaga ako parang ang dami talagang demands tapos parang along the way I learned to love it because ang dami ko pa lang natututunan,” anang aktres.
Hiling din ni Elle na maipagpatuloy pa nila ang kuwento ng Makiling. Aniya, “Parang kahapon lang, first day sa Makiling, sobrang bilis ng pangyayari. Ayoko talaga siyang mag-end and ayoko pang iwan 'yung mga tao dito sa Makiling, gusto ko pang ituloy 'yung istorya.”
Sa finale episode ng Makiling ngayong araw, May 3, dapat abangan kung ano ang mangyayari kay Amira at sa kaniyang anak na si Jewel. Mabibigyan pa ba ng pangalawang pagkakataon ang pag-iibigan nila ni Alex (Derrick Monasterio)? Makakabawi pa kaya si Seb (Kristoffer Martin) para kay Amira?
Tutukan ang makapigil-hiningang finale ng Makiling mamayang 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: The sexiest looks of Elle Villanueva