
Patindi na nang patindi ang mga eksena sa hit GMA Afternoon Prime series na Makiling.
Napapanood na kasi ngayon sa serye ang simula ng paghihiganti ng karakter ni Elle Villanueva na si Amira sa grupo ng mga umapi sa kanya - ang Crazy 5. Ang nasabing grupo ay pinangungunahan ni Portia played by Myrtle Sarrosa.
Sa pasilip sa mga dapat abangan sa serye, makikita ang makapigil-hiningang eksena kasama si Myrtle kung saan ibinitin siya ng patiwarik gamit ang tow truck.
Kahit buwis-buhay, game na game itong ginawa ni Myrtle sa tulong na rin ng pagbabantay at pag-alalay sa kaniya ng produksyon.
“Normally, kapag hina-harness ako laging palipad. Dati no'ng nag-superhero ako palipad lang siya. First time ko 'yung ganito na parang torture na aakyat. Nakakatakot pala. Feeling mo kasi mahuhulog ka kasi 'yung ulo mo pababa 'yung pakiramdam,” kuwento ni Myrtle nang kumustahin siya matapos ang taping.
Dagdag pa niya, “Nakakatakot. Ganito pala mag-revenge si Amira. Parang ayoko na tuloy maging si Portia today. Kanina no'ng inakyat ako nahihilo ako kasi [pumupunta] 'yung dugo ko sa ulo ko. Pero gagawin ko ang lahat para sa ikakaganda ng Makiling.”
Nauna namang ibinalita sa 24 Oras na extended pa ang Makiling. Kaya naman masayang-masaya ang cast lalo na ang bidang si Elle dahil marami pa silang gustong ipakita sa mga manonood.
Aniya, “Gusto pa namin ng more story, more character arch. Parang gusto pa naming ituloy ang show, mas malalim na istorya pa.”
Thankful din si Myrtle sa suporta ng mga tao na nagreresulta sa mataas na ratings ng serye.
“Natutuwa talaga ako na 'pag lumalabas kami, lahat ng mga Kapuso natin, nakikilala kami bilang si Amira, bilang si Portia, bilang si Rose,” ani Myrtle.
Ang Makiling ay ang ikalawang Kapuso series na pinagtambalan ni Elle at ng kanyang boyfriend na si Derrick Monasterio. Kaya aminado ang aktor na talagang binigay nila ng kanyang girlfriend na si Elle ang kanilang best para sa serye.
Aniya, “This is a show na mahal na mahal naming dalawa ni Elle at pinagpaguran namin, at sana tutukan niyo pa, kapitan niyo po ito hanggang dulo kasi kahit kami, hindi kami makabitaw sa mga susunod na mangyayari.”
Subaybayan ang mas pinatinding twists sa Makiling, Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m. sa GMA Afternoon Prime.