
Bilang mga anak ni boxing champ Manny Pacquiao at magagaling na mga boksingero, hindi malayong magkatapat sa ring ang magkapatid na Eman Bacosa Pacquiao at Jimuel Pacquiao.
Ngunit sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, April 16, sinabi ni Eman na sakali mang may offer na dumating para sa isang laban kung saan si Jimuel ang kaniyang makakatunggali, hindi niya ito tatanggapin.
“Kasi kapatid ko po siya at saka wala naman pong kasiyahan na mangyayari du'n kung matalo man o manalo sa kapatid mo,” sabi ni Eman.
Pagpapatuloy pa ng boxer-turned-actor, alam niyang hindi magugustuhan ng kanilang ama na makita silang magkalaban sa ring, at sinabing ayaw niyang masaktan ito.
Dagdag pa ni Eman, “At saka I really love you, Kuya.”
MAS KILALANIN PA SI EMAN BACOSA PACQUIAO SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Eman, maganda naman ang relasyon niya sa mga kapatid kay Manny, kabilang na si Jimuel. Suportado niya ang career nito, lalo na ngayon na lumalaban na rin ito sa boxing sa Amerika.
Ngunit pag-amin ni Eman, hindi pa siya nakakakuha ng pagkakataong makakwentuhan ang kuya dahil abala ito sa Amerika.
Very supportive din ang iba pa nilang mga kapatid sa kaniya. Sabi pa ni Eman, malapit naman siya sa kanilang lahat.
Matatandaan na nitong March ay lumaban at nanalo si Eman sa naganap na Kumong Bol-anon XXIV sa Tagbilaran, Bohol. Nakuha niya ang panalo via technical knockout laban sa Indonesian na si Reynold Kundimang.
Dumalo at nagbigay pa nga ng suporta ang Kapuso Star of the New Gen na si Jillian Ward.
Nitong April 4 naman ay nakuha ni Jimuel ang panalo laban kay Darrick Gates sa undercard ng Pedro Taduran vs. Gustavo Perez Alvarez IBF strawweight title fight na ginanap sa Temecula, California. Ito ang unang panalo sa professional fight ng batang boxer, na nakuha rin niya sa pamamagitan ng technical knockout.