
Magkahalong emosyon ang naramdaman ng mga aktor na sina Epy Quizon at Mikoy Morales sa kanilang pagbisita sa dalawang World War 2 veterans kamakailan.
Ang naturang aktibidad ay isa lamang sa mga ginagawang paghahanda para sa upcoming historical drama ng GMA na Pulang Araw.
Sa panayam ng 24 Oras sa Pulang Araw actors na sina Epy at Mikoy, inamin ng dalawa na isang kakaibang experience ang makita at makausap mismo ang ilan sa mga beteranong Pilipino na naging saksi mismo sa Japanese occupation sa Pilipinas.
Para kay Epy, magiging daan ito upang mas mailahad ng Pulang Araw ang mga totoong kuwento na pinagdaanan ng mga Pilipino noon.
Aniya, “'Yung mga kuwento sa amin ni Kuya Oscar ay magiging in a way, jumping ground or playground ng mga writers para ma-capture namin talaga 'yung essence ng era na 'yun na gusto namin ikuwento sa inyo.”
Dagdag pa ni Mikoy, “Kasi the fact na parang, 'di ba? Nakikita mo lang sa mga documentaries, nakikita mo lang sa mga film, sa mga kuwento, sa mga libro, pero to have someone actually tell you upfront how it was to live then, it's something.”
Matatandaan na personal ding binisita kamakailan ng dalawa pa sa cast ng Pulang Araw na sina Sanya Lopez at Ashley Ortega ang dalawang beteranang Pinay na naging comfort women noong panahon ng World War 2.
Mula sa Kapuso “Master Series” na Amaya hanggang sa matagumpay na historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra, inaasahang muling bubuhayin ang ating kasaysayan sa kuwento ng Pulang Araw.
Bukod dito, minsan lamang mangyari na magsasama-sama ang apat sa pinakamalalaking bituin ng GMA sa isang serye, kabilang sina Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, “First Lady” ng Primetime na si Sanya Lopez, Pambansang Ginoo na si David Licauco, at Asia's Multimedia Star Alden Richards.
Bibigyang-buhay ni Alden ang karakter ni Eduardo, isang matapang at maprinsipyong binatang Pilipino. Gaganap sina Barbie at Sanya bilang magkapatid na sina Adelina at Teresita, dalawang dalagang Pilipina na magiging Bodabil stars sa panahon ng mga Hapon. Ang karakter naman ni David bilang isang Hapones na si Hiroshi ay magbibigay kulay rin sa kuwento ng Pulang Araw.
Sa pakikipagtulungan ng produksyon sa mga historian at World War II survivors, ilalahad ng Pulang Araw ang mga kuwentong tiyak na malapit sa bawat Pilipino, mga kuwentong pamilyar sa lahat - saksi man o hindi sa naganap na pananakop ng mga Hapon noon.
Ang Pulang Araw ay sa ilalim ng direksyon ni Dominic Zapata at sa panulat ni Suzette Doctolero.
Para sa iba pang detalye tungkol sa Pulang Araw, bisitahin ang GMANetwork.com.