
Sunod-sunod ang mga parangal na natatanggap ng child actor na si Euwenn Mikaell matapos pahangain ang manonood sa mahusay niyang pagganap bilang Tonton sa award-winning film na Firefly.
Noong Linggo, May 12, kabilang si Euwenn sa binigyang parangal sa Box Office Entertainment Awards 2024 na ginanap sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo De Manila University.
Kinilala ang award-winning child actor bilang Most Popular Child Performer of the Year ng Box Office Entertainment Awards 2024, na inorganisa ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF).
Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Euwenn ang award-giving body, ang Kapuso Network, ang naging pamilya niya sa Firefly, at ang Diyos.
Hindi rin pinaglagpas ni Euwenn ang pagkakataon na batiin ang kanyang ina ng Happy Mother's Day nang tanggapin ang kanyang award.
Ayon sa batang aktor, alay niya ang natanggap na pagkilala sa kanyang ina. Sabi niya, "Ito po ang regalo ko po sa kanya."
Sa ngayon, patuloy na sumasabak si Euwenn sa taping para sa una niyang seryeng pagbibidahan sa GMA, ang Forever Young.
Sa upcoming inspirational drama series, makikilala si Euwenn bilang Rambo, isang 25-year-old na na-trap sa katawan ng isang 10-year-old dahil sa rare medical condition na panhypopituitarism kung saan naapektuhan ang paglaki nito.
Makakasama niya sa serye sina Michael De Mesa, Eula Valdes, Rafael Rosell, Alfred Vargas, Nadine Samonte, Althea Ablan, Princess Aliyah, Bryce Eusebio, Lucho Ayala, at James Blanco.
Abangan ang Forever Young, soon sa GMA Afternoon Prime.
Related gallery: GMA Pictures and GMA Public Affairs' 'Firefly' is Metro Manila Film Festival's Best Picture