
Nostalgia ang hatid ng Sparkle GMA Artist Center young star na si Euwenn Mikaell at ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo sa social media matapos silang muling magkasama sa isang photo, walong taon matapos silang gumanap bilang mag-ama sa telebisyon sa GMA series na Cain at Abel.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng young actor na si Euwenn ang kanilang photo ni Dennis noong 2018 at ngayong taong 2026, kung saan matapos ang walong taon ay muli silang nagkita at nakapagpakuha ng litrato sa isa't isa.
Sa caption pa ng larawan, malambing pa niyang tinawag si Dennis bilang ang kaniyang “Tatay Elias.” Sa nasabing serye kasi ay gumanap ang Kapuso Drama King bilang si Miguel Anthony Larrazabal at Elias Ledesma, habang ang limang taong gulang pa lamang noon na si Euwenn ang gumanap bilang kaniyang anak na si Samuel “Sammy” Ledesma.
“Nice to see you again po tatay Elias,” pahayag pa ng Kapuso child actor sa kaniyang post.
Makalipas ang walong taon, pareho nang umani ng malalaking tagumpay ang dalawang aktor sa kani-kanilang karera.
Mula sa pagiging child actor, nakatanggap na ng papuri at iba't ibang acting awards ang 13-anyos na ngayong si Euwenn para sa kaniyang pagganap sa mga pelikulang Firefly at Lolo and the Kid, pati na rin sa GMA series na Forever Young.
Samantala, patuloy namang pinatutunayan ni Dennis ang kaniyang husay bilang isa sa pinakamagagaling na aktor sa bansa matapos manalo ng Best Actor para sa pelikulang Green Bones.
Ngayong taon, muling nagbabalik si Dennis sa Metro Manila Film Festival para sa kaniyang pelikulang Amir kung saan makakasama naman niya ang isa pang magaling na child actor na si Argus Aspiras.
Kasama nina Dennis at Argus sa proyektong ito ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Inilunsad ang Amir kasabay ng tatlo pang opisyal na kalahok sa festival: ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films, ang Haunted Carnival ng Regal Films, at ang The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery:The ageless charm of Kapuso Drama King, Dennis Trillo