
Hindi man bawal ang magkakaroon ng mga selebrasyon, dapat pa ring iwasan ang malalaking pagsasalo-salo nang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ang ilan nating madiskarteng kababayan, nakaisip ng paraan upang kumita at makatulong magbigay selebrasyon sa mga kapwa Pilipino.
Sa Pera Paraan, napanood ang ilang nauusong gimik para sa inyong mga virtual party.
Tulad na lang ni Manilyn Cuya na may-ari ng Surprise in a Car-- kung saan tagahatid sila ng mga regalo, bouquet, at iba pang sorpresa sa mga may ipinagdiriwang na okasyon.
Aniya, nagsimula sa normal na homemade pizza delivery ang kaniyang negosyo nang makakuha ng ideya sa isang kliyente. "I had a client kasi na nag-request magpa-deliver ng pizza. Nagtanong siya kung meron akong package na may balloons at flowers. Dun ko po nakuha 'yung idea. Meron na akong client na nagpa-monthsary, meron din anniversary."
Si Imma Rabillas-Osorio naman, nagde-design ng mga birthday parties sa Cebu City sa kaniyang kumpanya na Party in a Box. "Yung business ko po talaga, kami 'yung nagsa-style ng mga birthday," saad niya.
Nag-iba ang kaniyang naging raket simula ng tamaan ng pandemiya ang kanilang lugar. At ngayon, nagde-deliver na ito ng personalized DIY party decorations.
"May nakita akong party decorator na gumagawa ng ganitong balloon displays," ani Imma.
Naging inspirarsyon daw ito ni Imma na gumawa rin ng mga personalized balloon displays and decorations na puwedeng gamitin sa mga okasyon at kahit virtual celebrations.
Ipinakita rin ni Kapuso anchor Susan Enriquez ang mga natutunan niyang tips para sa DIY party decorations para maging mas makulay ang inyong mga selebrasyon kahit na may social distancing.
Panoorin ang iba pang gimik sa okasyon ngayong may social distancing sa 'Pera Paraan' sa video sa itaas.