GMA Logo youre my favorite song
What's on TV

'Face reveal' moment ni Captain Serenade, niyanig ang viewers at netizens!

By Mark Joseph F. Carreon
Published July 7, 2026 1:58 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Agri chief sees leverage in slower June inflation for fresh rice price cap
Duterte goes to Senate on Day 2 but not attending trial
Heart Evangelista meets Max Mara designer Laura Lusuardi

Article Inside Page


Showbiz News

youre my favorite song


Pinaghalong kilig at kaba ang bumalot sa matagal nang inaabangang “face reveal” ni Captain Serenade!

Hindi na naman binigo ng tambalang 'CapEath' nina Caprice Cayetano bilang Angel at Heath Jornales bilang Miguel ang kanilang mga fan at shipper sa pinakabagong episode ng You're My Favorite Song noong Lunes, July 6.

Nabalot ng halo-halong kilig at kaba ang naturang episode matapos muling mag-krus ang landas nina Angel at Captain Serenade. Nangyari ito habang tumatakbo papalayo ang dalaga mula sa galit na galit na si Calix (Clifford) dahil sa kumakalat na fake video kung saan tila umaamin siya na may pagtingin siya kay Angel.

Pinagbintangan ni Calix si Angel na siyang nagpakalat ng naturang video, nang hindi nalalamang sina Adie (Princess Aliyah) at Charm (Waynona Collings) naman talaga ang tunay na may gawa nito.

Sa kabutihang-palad, tinulungan ni Zion (Marco Masa) si Angel na makatakas sa mga mata ni Calix. Dahil sa pagtatagong ito, hindi sinasadyang magkatagpo si Angel at si Captain Serenade sa loob ng isang banyo.

Agad na tinulungan ni Captain Serenade ang dalaga na tuluyang makalayo, ngunit nagawa pa rin silang sundan at mahanap ni Calix.

Dito na nag-level up ang pagiging knight-in-shining-armor ni Captain Serenade nang buong-giting niyang ipinagtanggol si Angel mula sa mga maling akusasyon ng galit na galit nitong academic rival.

Dahil sa labis na pagkapikon sa pangingialam ni Captain Serenade, sinuntok ni Calix ang ulo ng suot nitong bear costume. Sa lakas ng impact, natumba ang misteryosong karakter at natanggal ang headpiece ng costume; isang tagpong naghudyat sa pinakahihintay na face reveal!

Laking gulat ni Angel nang tumambad sa kaniya ang katotohanan: ang nasa likod pala ng maskara ni Captain Serenade ay walang iba kundi ang sikat na vocalist ng bandang Siklab na hinahangaan ng marami—si Miguel Miraflor.

Bago pa man makapagpaliwanag kay Angel, hinarap muna ni Miguel ang nagpupuyos sa galit na si Calix. Binalaan niya ito na hindi siya mag-aatubiling lumaban pabalik sa oras na ulitin pa nito ang kaniyang ginawa.

Matapos ang mainit na komprontasyon at nakakakilig na rebelasyon, agad na umalis si Miguel kasama si Angel upang tuluyan nang makalayo kay Calix.

Abot-langit naman ang kilig na idinulot ng episode na ito sa mga manonood, lalong-lalo na sa mga shipper ng tambalang 'AnGuel,' ngayong alam na ni Angel na ang kaniyang misteryosong tagapagligtas na si Captain Serenade at ang kaibigang si Miguel ay iisang tao lang pala.

Dahil dito, agad na naging trending topic sa social media ang naturang tagpo at dumanas ng matinding “next-gen kilig” ang mga netizen. Narito ang ilan sa mga nag-uumapaw na reaksyon ng mga tagasubaybay:

Hindi lang basta usap-usapan ang naganap na rebelasyon dahil opisyal ding niyanig ng mga fan ang social media platform na X (dating Twitter).

Katunayan, naging top trending topics ang hashtag na “ANGUEL OUR COMFORT SHIP” na lumanding sa number one spot, habang sinundan naman ito ng “CAPTAIN SERENADEs ENCOUNTER” na pumwesto sa ikaapat na pwesto noong Lunes ng gabi.

Samantala, kapana-panabik din ang mga susunod na tagpo sa serye! Abangan kung paano matatagapuan ni Mama Bebe (Katya Santos) ang katawan ni Enrico Montaverde (James Blanco) sa Gran Vista Resort matapos pagplanuhan ni Serina (Kazel Kinouchi) na pasabugin ang yateng sinasakyan nito dahil sa takot na hiwalayan siya nito matapos mahuli ang relasyon nila ng driver na si Tyrone (Royce Cabrera).

Ano kaya ang maging papel ni Enrico sa buhay ng pamilya Dimaculangan?

Patuloy na subaybayan ang You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!

Related Gallery: You're My Favorite Song stars feel overwhelming support from fans at media day