Showbiz News

Aicelle Santos, bakit piniling huwag kumuha ng yaya para sa anak?

By Jansen Ramos

Kahit aktibo sa showbiz, grateful si Aicelle Santos na maging hands-on mom sa anak niyang si Zandrine.

Buti na lang ay hindi masyadong demanding ang kanyang schedule bilang performer sa All-Out Sundays. Kakatapos lang din ng unang season ng weekly singing competition for kids na Centerstage kung saan isa siya sa mga hurado.

Bilang first-time mom sa panahon ng COVID-19 pandemic, na-experience ni Aicelle ang saya na makapiling ang anak 24/7 at maging ang hirap na kaakibat nito.

"Kagaya no'ng isang araw nag-post ako dahil feeling ko maganda 'ko, kunwari nag-lipstick ako pero, sa totohanan, what is ligo?

"Kasi ni ultimo pagkain ko, 'di na po ako ngumunguya, lunok na lang po kasi aabatan mo si Zandrine. Magigising na kasi nga po wala kaming yaya.

"Maraming sacrifices pero kapag nginitian ka ng anak mo, talaga namang sulit na sulit and ito ngang pandemic, talagang 24/7 kaming magkasama tapos nakikita mo 'yung mga milestones n'ya.

"I don't wanna say it's perfect but it's a happy journey for both of us, sa aming tatlo nila Mark," kwento sa GMANetwork.com ng asawa ng dating GMA reporter na si Mark Zambrano sa nakaraang mediacon para sa finale ng Centerstage.

Choice din daw nila ni Mark na huwag kumuha ng house help o yaya para sa kanilang six-month-old daughter.

Bahagi ni Aicelle, "Iba rin kasi kapag ikaw mismo 'yung nag-aalaga kasi, una sa lahat, 'di naman ako nagtatrabaho ng nine to five so bakit ako kukuha ng yaya, e, gusto ko ako 'yung nagna-nappy change, ako 'yung nagpapaligo, tapos breastfeeding kami.

"So magandang madaanan mo lahat 'yun. Kung may choice ka to do it, why not?"

Nakatulong din daw ang pagkakaroon ng mommy support groups kung saan nakakakuha si Aicelle ng ideya pagdating sa parenting.

Sa kaso niya, kasama niya sa grupo ang kapwa niya first-time moms na sina Maricris Garcia at Sheena Halili, at mom of three na si Chariz Solomon.

Ani Aicelle, "Si Chariz 'di naman na first-time mom, parang guardian namin siya, we ask her questions.

"Sa kanya ko nagtatanong, 'Cha, babalik na 'ko ng studio work, paano 'ko magpa-pump ng milk, paano ko s'ya i-store, 'yung mga gano'n.

"Katulad no'ng isang araw si Zandrine nakagat ng insekto, papakita namin.

"So alam mo 'yun, we share each other's joys, may time minsan kinabahan sila kasi may ibang nangyari sa anak nila.

"Masaya, actually, no'ng time na sabay-sabay kaming buntis, siyempre, when you're pregnant you're so emotional so having a mommy group na nagkakaintindihan kayo helps."

Ikinasal sina Aicelle at Mark noong November 2019 sa Batangas.

Matapos ang isang taon, isinilang ng Kapuso singer ang kanilang unang anak.

Tingnan ang cute photos ni Zandrine dito: