Showbiz News

Kris Aquino, nagpapasalamat na nagkaayos sila ng kaniyang yumaong Kuya Noy

By Aimee Anoc

Labis ang pasasalamat ni Kris Aquino na nagkabati sila ng kanyang kuya na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bago ito pumanaw.

Hindi naman talaga maiiwasan na magkaroon ng tampuhan at alitan ang magkakapatid, at noon pa man ay bukas na si Kris tungkol sa hidwaang ito nila ng kanyang kuya.

Sa paghanarap ni Kris sa media kahapon, June 24, sa Heritage Park sa Taguig City, inihayag niyang nagawa nilang magkapatid na magkabati noong Mayo.

“God blessed me, because we made our peace,” pahayag ni Kris.

Dagdag pa nito, “That is private. I would like to keep that for myself. But I am so grateful na ibinigay iyon sa akin.”

Kahit na sa mga hidwaan nilang iyon, nagpapasalamat pa rin si Kris na bunsong kapatid pa rin ang turing sa kanya ng kapatid.

“Nagpapasalamat ako na napatawad ako at minahal ako, and to the end, ang itinuring niya sa akin ay ako ang kaniyang bunso,” saad niya.

Ipinahayag din ni Kris ang kanyang pangako sa kanyang kuya 'Noy.

“Ipinangako ko sa kaniya na gagawin ko ang lahat to just be even one percent of what he is as a man and as a Filipino,” ayon pa kay Kris.

Noon pa man, makikita na sa kabila nang madalas na alitan nilang magkapatid ay malapit pa rin si Nonoy sa mga anak ni Kris lalo na sa panganay nito na si Josh, na nakasama nang matagal ng dating pangulo sa kanilang bahay sa Times St. sa Quezon City.

Samantala, inihayag din ni Kris, ang ilang plano kaugnay sa burol at libing ng kuya niya.

Plano nilang ihimlay ang abo ng dating pangulo sa libingan ng kanilang mga magulang na sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Ninoy Aquino sa Manila Memorial Park sa Paranaque sa Sabado, June 26.

Ngayong araw, isinasagawa ang public viewing sa lalagyan ng abo ng dating pangulo sa Church of the Gesu sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Ang public viewing ay hanggang alas diyes lamang ng gabi, pinapayuhan ang mga bibisita na sundin ang ipinatutupad na health protocol ng pamahalaan.

Tingnan ang masasayang pagkakataong magkasama sina Pnoy at Kris: