
Ilang linggo matapos pumirma ng kontrata sa GMA Network, kasado na ang pinakaunang programa ng tinaguriang King of Talk na si Boy Abunda sa kanyang pagbabalik sa telebisyon --- ang Fast Talk with Boy Abunda.
Sa media conference ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Sabado, January 14, game na game na humarap sa press ang batikang TV host.
Dito ay ibinahagi ni Boy ang kanyang saloobin tungkol sa nalalapit niyang pagbabalik telebisyon at sa kanyang bagong programa sa GMA.
Aniya, “It's not gonna be easy dahil ako ay kakatok, hihiram, hihingi, ng 20 minutes ng oras tuwing hapon from Monday to Friday, mula sa ating mga kababayan, sa mga nanay, sa mga tatay, sa mga Kapuso na makipagbalitaan at makipagkuwentuhan but exactly how its gonna work, is it gonna work, mapangahas masyado sabihin na magagawa ko 'yun, I will need your help.”
Aminado si Boy na malaki na ang pagbabago ngayon sa sources ng mga balita ng mga Pilipino kasama na ang showbiz updates kung kaya't challenging para sa kanyang programa ang maging una sa balitang pang-entertainment.
“I am cognizant of where I am today. Hindi lamang reporters, hindi lamang tayo ako'y may YouTube, ikaw ay may YouTube, may Facebook. Everybody has become an active participant in the communications ecosystem.
“So we have to step up, we have to be able to present how we're gonna do Fast Talk. Ang Fast Talk naman is specific and personal to the guest,” aniya.
Nagbigay naman ng suporta kay Boy ang ilan sa GMA executives na sina Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, Vice President for Entertainment Group Janine P. Nacar, at Consultant for Entertainment Group Bang U. Arespacochaga. Present din sa naturang event ang Program Manager ng Fast Talk with Boy Abunda na si Cecille De Guzman, at Executive Producer ng programa na si Reylie Manalo.
Ang naturang programa ay ang pinakabagong multi-platform showbiz news and talk show kung saan isa-isang hihimayin ang mga pinaka-maiinit na isyu sa showbiz at bibigyang pagkakataon ang celebrities na sumalang sa kaabang-abang na hot seat interviews kasama si Boy.
Layunin din nitong maging isang credible go-to source patungkol sa lahat ng mga kaganapan sa showbiz industry. Ipapalabas ito simula sa January 23, Lunes hanggang Biyernes sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood ang Fast Talk with Boy Abunda via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
Samantala, panoorin ang teaser ng Fast Talk with Boy Abunda sa video sa ibaba:
KILALANIN ANG KING OF TALK NA SI BOY ABUNDA SA GALLERY NA ITO: