
Hindi natuloy ang ikalawang angioplasty procedure sa aktor na si Gardo Versoza dahil umano sa komplikasyon.
Sa June 15 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, ibinalita ng batikang TV host na si Boy Abunda na muling nahirapang huminga at nakaramdam ng matinding pananakit ng likod si Gardo, isang araw bago ang dapat sana'y kaniyang ikalawang angioplasty procedure.
Dahil dito, muling isinugod sa ospital si Gardo at dito na nalaman na bumagsak ang kaniyang hemoglobin kung kaya't kinailangan siyang salinan ng dugo.
Matatandaan na nitong Marso, biglaang dinala sa ospital si Gardo dahil sa heart attack. Dito ginawa ang unang angioplasty procedure sa kaniya nang makitang may baradong ugat na konektado sa kaniyang puso.
Ayon naman kay Boy, maayos na ang lagay ngayon ng aktor at kasalukuyan itong nagpapahinga, “Hindi natuloy ang kaniyang operasyon at sa kasalukuyan, siya'y nagpapahinga, he needs to rest.”
Maghihintay muna ng dalawang linggo bago muling sumailalim sa tests si Gardo upang malaman kung puwede nang ituloy ang naunsyami niyang ikalawang angioplasty procedure.
Samantala, sa kaniyang Instagram, nakapag-post na si Gardo ng ilang dance videos gaya ng madalas niyang ginagawa para sa kaniyang fans.
SILIPIN ANG HUNK PHOTOS NI GARDO VERSOZA SA GALLERY NA ITO: