
“Sobrang sarap sa pakiramdam to finally show everyone the hard work we put in.”
Iyan ang naging pahayag ng Kapuso Soul Balladeer na si Garrett Bolden matapos ang unang matagumpay na linggo ng kanilang Rent the Musical in Manila production. Sinabi rin ng singer at theater actor kung gaano siya nagpapasalamat maging parte ng nasabing local production ng Broadway musical.
“Hindi ko pa rin mapaliwanag yung saya at excitement na na fe-feel ko everytime we went on stage,” sabi ni Garrett sa kaniyang post sa Instagram.
Ikinuwento rin niya kung papaano niya napagdesisyunan na mag-audition sa local production ng Rent.
Kahit pa mayroon na siyang dalawang stage productions na ginawa sa Guam, hindi pa niya nasubukan mag-audition sa Pilipinas. Unang gumanap si Garrett Bilang si John Thomas sa Miss Saigon, at bilang si Beast sa Beauty and the Beast.
“I know how hard it is, I know how difficult the process is, pero I told myself 'Bahala na, let's do this!'” aniya.
Ayon kay Garrett, laking gulat na lang niya nang makita ang kapwa Kapuso singers na sina Anthony Rosaldo at Thea Astley sa callbacks matapos silang mag-audition. Masarap din umano ang pakiramdam ng Soul Balladeer na makita at makasama niya sila sa auditions.
Pagpapatuloy pa ni Garrett, ilang araw lang ay tinawagan na siya para sabihin na nakuha niya ang role ni Tom Collins.
“Magkahalong tuwa at kaba kasi I told them during auditions when they asked me if I'm familiar with Rent, sabi ko 'Honestly hindi po, aside from 'Seasons Of Love,'” sabi niya.
“'Di ba ang lakas ng loob ko mag audition lol.”
TINGNAN ANG MGA SUCCESSFUL CELEBRITIES NA NAG-CROSSOVER SA PAGITAN NG TV AT THEATER SA GALLERY NA ITO:
Aminado rin si Garrett na sobrang nahirapan siya sa kanilang rehearsals ngunit pakiramdam niya ay blessed pa rin siya dahil sa kasama niyang “amazing cast.”
Matapos na kilalanin pa ang kuwento ni Tom at ng Rent, napatunayan niyang “it is indeed a story worth telling.”
Dagdag pa niya, “I am grateful to be given this chance, this role, and to be with such an amazing cast. Sobrang dami kong natututunan everyday. I love you guys!”
Nag-iwan rin siya ng maiksing mensahe para sa kaniyang pamilya at sa lahat ng sumusuporta sa kaniya, “And sa family ko and sa mga tao na patuloy sumusuporta sa akin? kasama kayo sa journey na ito.”
Tingnan ang buong post ni Garrett dito: