
Muling nagsama sina Glaiza De Castro at Sanya Lopez para sa isang online event ng GMA Network sa TikTok noong Lunes, May 16.
Halatang miss nila ang isa't isa dahil matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita in person.
Nakipagkwentuhan live sa TikTok account ng GMA Network ang dalawa tungkol sa kanilang current shows na False Positive at First Lady na parehong GMA Telebabad series.
Chinika rin nina Glaiza at Sanya kung anong project ang gusto nilang sunod na pagsamahan matapos ang sikat na telefantasyang Encantadia.
Excited na ipinahayag ni Sanya na gusto niyang makatrabaho si Glaiza sa isang GL o girls' love series.
"As mag-jowa, maiba naman," sambit ni Sanya.
Sa pag-aanalisa ni Glaiza, dapat magkaroon sila ng workshop para bagong image ang kanilang ma-imbibe na malayo sa kanilang past characters gaya ng pagiging Sang'gre.
Ani Glaiza, "Dapat meron tayong workshop dito kasi kailangan kong alisin 'yung image mo na si Danaya or si Melody ka, matindi-tinding preparation."
Hindi na bago kay Glaiza ang gumanap na lesbian lover. Matatandaang bumida sila ni Rhian Ramos sa 2015 Kapuso drama romance series na The Rich Man's Daughter kung saan sila magkasintahan.
Sa experience ni Glaiza, hindi madaling bumuo ng chemistry sa pagitan ng dalawang babaeng characters.
Bahagi pa niya, "Hindi siya instant. Wala kaming workshop ni Rhian at all pero nag-workshop kami as we tape or as we shoot, do'n nabuo 'yung chemistry.
"So sa 'tin (Sanya) para lang maalis ko 'yung past characters ko dahil no'ng time na ginawa namin 'yung Rich Man's, ang tagal kong 'di nakatrabaho si Rhian so parang wala akong preconceived notion na kung sino siya so feeling ko naging instant kasi wala siyang image na katulad sa 'yo na Danaya or Melody."
Bagamat aminadong nahirapan sa The Rich Man's Daughter, game si Glaiza na makapareha si Sanya sa isang GL series.
Pabirong suhestyon pa niya, LoRo (pinagsamang apelyido nila na Lopez at De Castro) ang kanilang ship name.
Para naman kay Sanya, nakakaba gawin ang isang serye na may temang hindi pa siya pamilyar pero flattered daw siya kung si Glaiza ang kanyang love team.
Samantala, ibinahagi rin nila ang kanilang excitement para sa upcoming spin-off ng Encantadia na Sang'gre.
Ayon kina Glaiza at Sanya, wish nilang mapabilang sa cast ng inaabangang project.