
Inanunsyo ng Cinemalaya Independent Film Festival ngayong March 16 na maaari nang mapanood nang libre ang award-winning 2018 political film na Liway.
Magiging available ang buong version ng pelikula sa YouTube channel ng direktor nitong si Kip Oebanda simula March 18 hanggang Abril.
Ang Liway ay pinagbidahan ng Kapuso star na si Glaiza De Castro na gumanap sa titular character.
Hango ito sa mga totoong pangyayari sa buhay ng mismong direktor ng period drama, na Dakip kung tawagin noon siya ay bata pa. Katulong ni Kip sa pagsulat ng Liway ang screenwriter at award-winning director na si Zig Dulay.
Mapapanood sa Liway ang paglaki sa kulungan ni Dakip (ginampanan ng child actor na si Kenken Nuyad) kasama ang kanyang inang rebolusyonaryo na si Cecilia Flores-Oebanda o Commander Liway ng New People's Army.
Natanggap ng Liway ang Audience Choice Award at Special Jury Commendation mula sa 14th Cinemalaya Independent Film Festival noong 2018.
Nakuha naman ni Kenken Nuyad ang Special Jury Prize ng indie film fest para sa kanyang paglabas bilang Dakip.
Samantala, matatandaang tatlong beses hinirang si Glaiza bilang Best Actress para sa kanyang pagganap sa Liway.
Mapa-pelikula o TV man, pinatunayan na ni Glaiza ang kanyang galing sa pag-arte. Balikan dito ang ilan niyang natatanging pagganap on-screen.