
Sa ikatlong linggo ng God of Lost Fantasy, ipinag-utos ng imperyo ng Yi na ipadakip ang buong angkan ng Qin para sa isang paglilitis.
Nadiin ang angkan ng Qin na sila ang dahilan sa mga nagaganap na pagpatay at pag-aaklas sa imperyo. Dagdag pa ang paninira ng angkan ng Bai na may pinaplanong masama ang Qin kaya naman iniurong nila ang kasal ni Bai Qiu Xue (Tang Jin Mei) kay Qin Wen Tian (Peter Sheng).
Nang malaman ni Bai Qiu Xue ang ginawang pagdakip sa pamilya ni Qin Wen Tian, agad itong nagpunta sa kampo ng Jiuhua kung saan kasalukuyang nagsasanay si Qin Wen Tian.
Matapos malaman kay Bai Qiu Xue ang nangyari sa pamilya, agad na pinuntahan ni Qin Wen Tian si prinsipe Yi Wu Wei (Jacky Heung) para tanungin kung bakit ipinag-utos ng imperyo na dakipin ang pamilya niya.
Natagpuan ni Qin Wen Tian ang prinsipe kasama si Qin Yao (Lin Cheng) na nagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng pinunong si Zheng Yuan Wai.
Samantala, inalam naman ni Mo Qing Cheng (Ava Wang) ang posibleng dahilan ng biglaang pagpanaw ng pinuno. Naniniwala ito na may naglason sa pinuno.
Habang nag-iimbestiga, nalaman ni Mo Qing Cheng na nagkaroon ng alitan sa isang lalaki ang pinuno bago pumanaw. Ang lalaking iyon ay siya ring nakasalubong ni Mo Qing Cheng noon sa baba ng bundok.
Patuloy na panoorin ang God of Lost Fantasy, Lunes hanggang Biyernes, 8:25 a.m sa GMA.