
Matapos ang halos limang taong hiatus, muling nagbabalik sa limelight ang The Clash Season 1 grand champion na si Golden Cañedo.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ()nitong Miyerkules, July 15, nilinaw ni Golden na desisyon niya at ng kaniyang mga magulang ang pagbalik niya sa hometown sa Cebu para muling mag-aral.
Ngunit sa kaniyang pagbabalik, inamin ng singer na hindi ito naging madali sa kaniya.
“Kasi madami na talagang nanalo po ng The Clash. Like sa season seven na po sila. So, talagang hindi ko ini-expect na up until now, nandito pa rin po 'yung mga humahanga po sa akin,” sabi ni Golden.
Ayon kay Golden, nagbukas muli ang oportunidad niya nang tawagan siya ng The Clash at tinanong kung okay pa ba siyang bumalik, lalo na at tuloy-tuloy na ang muling pag-usad ng kaniyang karera.
Sagot ng singer, “Sabi ko po, 'Yes po.'”
MULING KILALANIN ANG 'THE CLASH' SEASON 1 GRAND CHAMPION NA SI GOLDEN SA GALLERY NA ITO:
Sa kaniyang pagbabalik, ibinahagi ni Golden na pinaka-excited siya na mag-yes sa lahat ng oportunidad na darating sa kaniya, kabilang na ang pag-guest niya sa GMA Afternoon Prime series na Born to Shine.
Pero pag-amin ng dating Clasher, natatakot din siyang hindi makasabay sa mga artista ngayon.
“Siyempre po, naninibago ako. For the past five years, talagang madami akong time na hindi pa nawo-work sa self ko, tulad po ng dancing, acting,” sabi ni Golden.
Nitong Linggo ay napanood na si Golden sa All-Out Sundays at soon ay mapapanood na rin siya sa Born to Shine bilang isa sa mga pinakabagong miyembro ng fictional p-pop girl group na NIXI, kasama ang dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na si AC Bonifacio.
Gagampanan niya dito ang role ni Lexi Hipolito, habang si AC naman ay gaganap bilang si Kendall Domingo.