
Kahapon, July 21, sana ang premiere ng inaabangang GMA Telebabad series na Legal Wives.
Ngunit dahil sa ilang mga pagsubok na dala ng pandemya, minarapat ng produksiyon at ng GMA Network na i-delay na muna ang pagpapalabas nito.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, nagbigay naman ng maikling paliwanag tungkol dito ang headwriter ng show na si Suzette Doctolero.
"Ukol Sa LEGAL WIVES.
"Mga mahal na Kapuso,
"Paumanhin po at hindi po namin maipapalabas ito ngayong Lunes. Napakahirap po kasi talaga mag taping sa panahon na ito ng pandemic, maraming pagsubok. La hawla wala quwwata illa billah. Kailangan po syempreng unahin ang safety ng lahat. We will resume taping very soon para matapos na ang lahat ng mga episode at maihandog na sa inyo ang aming pinaghirapan. Isang show na nagpapakita sa napakagandang way of life and beliefs (na puno ng magagandang values) ng mga kapatid nating Muslim," sulat niya.
Bukod dito, nangako din siya na gagamitin ang oras para mas lalo pang mapaganda ang serye.
"In behalf of our director Zig Dulay, Production Unit Manager, Helen Rose S. Sese, Executive Producer Shielyn Mariano, cast and crew, pasensya ho.
"Magtiwala na gagamitin namin ang panahon na ito para higit na mapaganda pa ang show sa kabila ng mga pagsubok nang maideliver ito sa inyong hapag agad agad. Abangan! In Shaa Allah. Salamat!" saad ng post.
Ang Legal Wives ay tungkol sa isang kakaibang pamilya kung saan pakakasalan ng isang lalaking Mranaw ang tatlong magkakaibang babae para sa iba't ibang dahilan.
Tampok dito sina Kapuso Drama King Dennis Trillo, Alice Dixson, Andrea Torres, Bianca Umali, at marami pang iba.
Abangan ang world premiere ng family drama na Legal Wives, malapit na sa GMA Telebabad.
Samantala, silipin ang magandang taping location ng Legal Wives sa gallery na ito: