Showbiz News

Recovering COVID-19 positive doctors, nais nang magbalik-serbisyo

By Dianara Alegre

Sabik nang magbalik-serbisyo ang mga papagaling na mga doktor na tinamaan ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) para makatulong sa mga nanganganib din ang buhay.

Hinihintay na lamang nilang maging negatibo sila para makabalik ulit sa tungkulin.

Gaya na lamang ni Dr. Jose Antonio Bautista na frontliner ng St. Luke's Medical Center sa Bonifacio Global City, na nahawaan ng sakit habang nag-aalaga ng ibang COVID-19 patients.

Una umanong nakaranas ang adult cardiology fellow ng lagnat, chills, at muscle pain habang nanggagamot ng ilang pasyenteng nahawaan ng virus.

Pero ayon sa kanya, nagnegatibo muna ang test bago naging positibo sa pangalawang test.

“Base kasi sa pagsusuri, may mga nagsasabi na puwedeng technical error, hindi pa ganoon kataas 'yung viral load para ma-detect siya ng testing kit,” sabi ni Dr. Bautista.

Unti-unti na rin umano siyang lumalakas at sabik na siyang makabalik sa serbisyo.

“Nag-usap na kami ng aming department na pagkatapos niya, once na makalabas na ako, pati 'yung mga kasama ko din dito na naapektuhan din ng ganitong sakit, babalik din talaga kami sa ospital at gagamot pa rin kami ng pasyente,” aniya.

Sinubok din ng COVID-19 ang katatagan ni Dr. Armine Lee Supnet na isang surgical resident sa University of Sto. Tomas Hospital.

“Ito po ang pinakamahirap na na-experience na aking dinanas kasi from being a physician na ako ang nag-aalaga sa mga pasyente, nahantong ako sa sitwasyon na wala akong magawa. Ultimong sarili ko hindi ko malinisan,” lahad ni Dr. Supnet.

Aniya, nagsimula sa simpleng ubo at lagnat ang mga sintomas na naramdaman niya. Natunghayan din umano niya ang hirap ng ibang mga frontliner.

“May pamilya rin po sila na nag-aalala para sa kanila pero [may] sinumpaan po silang tungkulin para gawin ang tama at iligtas ang bawat pasyente,” aniya.

Kasalukuyan pa ring nagpapagaling si Dr. Armine.

Panoorin ang buong 24 Oras report:

Filipino doctors celebrate recovery of 3 elderly COVID-19 patients

HEROES: The fallen doctors who fought against COVID-19