Showbiz News

Donita Nose recovers from COVID-19; thanks medical frontliners

By Cara Emmeline Garcia

Malugod na ibinalita ni Donita Nose na makakauwi na siya matapos maka-recover sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kanyang Instagram post noong August 12, ipinakita ng comedian-host ang lubos na pasasalamat niya sa frontline workers na tumulong sa kanyang paggaling sa sakit.

Aniya, “Thank God for everything! I love you.

“And thank you to all the frontliners… alam ko ang hirap at sakripisyo ninyo. Ingatan niyo po ang mga sarili ninyo. Saludo ako sa inyong lahat. Salamat sa pag-aalaga sa aming lahat.

“I love you all. God bless us all.”

Sa Facebook naman, ibinahagi ng Wowowin co-host na gagawan niya ng video ang mga taong naging parte ng kanyang recovery journey.

“Salamat sa lahat ng nag-pray, nagmalasakit, nagmahal, at nagbigay tulong. Gagawa ako ng video ng lahat ng taong papasalamatan ko.

“Pero eto muna...Salamat sa lahat ng frontliners. Saksi ako sa hirap at pagmamahal niyo sa mga pasyente at trabaho ninyo. Saludo ako sa inyong lahat.”

Noong July 26 unang ibinalita ni Donita Nose na nagtungo siya sa ospital dahil sa pneumonia.

Makalipas ang isang araw, kinumpirma niya na nagpositibo siya sa virus pagkatapos magpa-swab test sa parehong ospital.

Saad niya kay 24 Oras reporter Nelson Canlas noon, “Actually, nilagnat na ako ng one week. Tapos mga ilang araw, sumunod na 'yung pagtatae ko. Pero while having a fever, mayroon na rin akong konting headache, tapos inuubo ako.

“Parang nakita ko lahat 'yung mga symptoms ng COVID is parang nandoon siya.

“Nitong pang eighth day, in the morning, paggising ko, mayroon na akong kaunting hirap sa paghinga.”

Inihayag din ni Donita ang plano niyang mag-donate ng plasma at mag-organisa ng isang online show para magbigay pugay sa frontline workers.

Maliban kay Donita, ilan pang celebrities ang tinamaan ng COVID-19 tulad nina Michael V., Iza Calzado, at Christopher de Leon.