Showbiz News

Michael V., dasal ang naging sandigan nang mag-positive sa COVID-19

By Aedrianne Acar

Pananalig sa Diyos at dasal ang naging takbuhan ni Michael V. nang tamaan siya ng nakakahawang sakit na COVID-19.

Ito ang sinabi ni Direk Bitoy sa online kamustahan kasama ang co-actors niya sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento sa special comeback episode na umere nitong Sabado ng gabi, September 5.

Malaki ang naitulong nang matibay niyang pananampalataya nang sinubok siya ng coronavirus.

Pagbabahagi ni Michael V., “Ilalagay mo na lang sa kamay ng Diyos lahat na itong araw na 'to nakalaan para sa kanya, tsaka may purpose 'yung bawat araw.

“At tsaka para sa akin 'yun ang nagpapa-andar noong araw kada panibagong araw matatapos naman ito sa gabi, bukas isang araw na naman na nakalagpas, so tuloy-tuloy.

"Bibilangin mo lang 'yung araw at palagi ka lang makikipag-usap sa mga tao magpapakalma sa iyo.

“Magpapagaan ng nararamdaman mo at tsaka 'yung pag tahimik na lang at [yun] puwede ka na magdasal, nasisiguro mo na nakikinig sa'yo ang Diyos.”

Itinuring din ni Bitoy na isang challenge ng tamaan siya ng COVID-19--challenge na umano'y pinaghandaan niya.

Wika niya, “Ako naman kasi, all-out ako e, 100% ako every day. So parang, ako ready palagi kung ano man 'yung hindi maganda mangyari, kumbaga handa na ako.

“Ginawa ko lahat ng kaya kong gawin, everyday ginagawa ko lahat puwede ko gawin.

"Hindi lang sa pag-e-entertain ng mga tao, kung di lalong-lalo na sa pamilya ko, 'yung pagmamahal na naibibigay ko sa kanila at naibabalik ko sa kanila, pati sa mga kaibigan.

“Yun ang pinakamagandang paghahanda na puwede mong gawin, ready ka sa lahat ng puwedeng mangyari.

"Kaya noong nagka-COVID ako posibleng challenge lang at kung challenge ito handa ako sa lahat ng challenge na puwede ibigay sa akin.”

Sa gitna ng pakikipag-usap niya sa mga katrabaho niya sa Kapuso sitcom, hindi naiwasan ni Michael V. na umamin na naging mahirap ang pagkaka-isolate niya sa asawa na si Carol Bunagan at kanilang mga anak.

Paglalahad nito, “Yung pagiging ma-isa, siyempre physically mag-isa lang ako dito sa kuwarto. Malapit ako sa mga anak ko tsaka sa misis ko, lagi kaming magkatabi, lagi kaming magkakadikit.

“Tsaka lagi kung anu-ano lang kinukuwento ng mga anak ko handa ako makinig, 'yun 'yung nami-miss ko. Kasi siyempre, pag mag-isa ka sarili mo lang kausap mo.”

Paano naman niya nilabanan ang lungkot na wala ang pamilya niya habang nagpapagaling?

Saad niya, “Nakatulong 'yung technology. Totoo, aminin ko!

“Dahil may means kayo para magkita, 24 hours a day naka-on 'yung CCTV namin and 'yung monitor namin.

"Nagkaka-usap kami, hindi ako nakahanap noong dark moment dahil alam ko marami ako puwedeng gawin during these times,”

Manilyn Reynes at Arthur Solinap, sumabak na sa taping para sa 'Pepito Manaloto'

Nakakaaliw na 'Pepito Manaloto' viber stickers, available na!