Showbiz News

Betong Sumaya, kinabahan sa pagpapabakuna niya kontra COVID-19

By Jansen Ramos

Kabado at excited ang Kapuso comedian/host na si Betong Sumaya sa kanyang unang shot ng COVID-19 vaccine.

Sa kanyang YouTube channel, vin-log ng Centerstage side stage host ang mga paghahandang ginawa niya at ang prosesong sinunod niya para sa kanyang pagpapabakuna.

Ayon kay Betong, na residente ng Quezon City, kabilang siya sa kategoryang A3 o persons with comorbidities kaya prayoridad siyang mabakunahan. May hypertension si Betong at umiinom siya ng gamot pang-maintenance.

Sa virtual care network na eZConsult siya nagparehistro. Ilang linggo ang hinintay ni Betong bago siya ma-schedule na bakunahan na isinagawa sa Batasan Hills National High School noong May 22. Sa June 19 nakatakdang iturok ang second dose niya ng bakuna.

Bago isagawa ang pagtuturok ng bakuna, sumailalim muna si Betong sa blood pressure checking, counseling, at pagsagot ng health declaration screening form para sa COVID-19 vaccine brand na Sinovac.

Para kay Betong, hindi na niya tinitingnan kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok sa kanya. Ang mahalaga raw ay available na ito dahil naniniwala siyang ito ang solusyon sa kasalukuyang krisis sa kalusugan.

"Kung ano mang vaccine 'yan, kung ano man ang maabutan mo is the best vaccine para sa 'yo," sambit ni Betong sa kanyang vlog.

Matapos matanggap ang kanyang unang shot ng COVID-19 vaccine, sumailalim si Betong sa post-vaccination observation sa pamamagitan ng blood pressure checking.

Inamin naman ni Betong na nakadama siya ng pananakit ng ulo matapos mabakunahan pero nawala rin daw ito matapos ang isang araw. Nilinaw din niya na normal lang makaramdam ng side effect at hindi ito dapat katakutan kaya hinikayat niya ang kanyang viewers na magpabakuna rin kontra COVID-19.

Panoorin ang COVID-19 vaccination journey ni Betong dito:

Bukod kay Betong, ilan lamang sina Willie Revillame, Michael V., Alice Dixson, at Coney Reyes sa mga nakakuha na ng COVID-19 vaccine: