Showbiz News

Marian Rivera, naging inspirasyon sa isang fan para magpabakuna

By Aimee Anoc

Naging inspirasyon si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa marami nating kababayan, lalo na iyong mga nasa priority groups, simula nang magpabakuna siya at asawa niyang si Dingdong Dantes laban sa COVID-19.

Isa na rito ang nakaaaliw na kuwento ng pagpapabakuna ni Rosana at ang pangungumbinsi ng kanyang anak na si Carlo.

Kahit na may pag-aalinlangan, nakumbinsing magpabakuna si Rosana Mercado, 54, may hypertension at kabilang sa A3 category o persons with commodities, mula nang magpabakuna si Marian.

Simula nang magkaroon ng bakuna para sa priority groups noong Abril, palagi na raw pagpapaalala ng kanyang anak na si Carlo na magpabakuna dahil na rin sa kanyang iniindang karamdaman pero labis pa rin ang pagdadahilan nito.

Sa pahayag ni Rosana sa 24 Oras noong Huwebes, June 17, sinabi ni Mercado natatakot siya noong magpabakuna dahil sa naririnig niyang side effects ito.

“May nagsasabi kasi na may side effect daw 'yun kaya natakot ako,” ani ni Rosana.

Pero nitong Hunyo ay nagbago ang isip ni Rosana at handa na itong magpabakuna.

Nang tanungin ng kanyang anak na si Carlo kung bakit nagbago ang isip nito, sinabi ng ginang na dahil sa napanood niya ang Endless Love actress na si Marian na nagpabakuna na.

“Napagod pa akong mag-explain si Marian Rivera lang pala ang sagot,” natatawang sabi Carlo sa panayam ng 24 Oras sa kanilang mag-ina.

Masaya namang ibinahagi ni Rosana kay Mariz Umali ang dahilan kung bakit siya nakumbinsing magpabakuna.

“Nung makita ko si Marian na nagpa-vaccine, lumakas 'yung loob ko. Idol ko siya.”

Dahil sa tuwa ibinahagi ni Carlo sa Twitter ang naging pag-uusap nila ng kanyang ina, kung saan ay marami ang napa-comment hanggang sa maging viral at umabot kay Marian.

Ipinarating naman ng aktres ang kanyang personal na mensahe para sa mag-ina at ibinahagi ang tweet sa kanyang Instagram story, na hinihiling ang kaligtasan ng lahat.

“It's really a big factor lalo na sa mga celebrities like Marian Rivera kasi it boosts the vaccine confidence specially in the Philippines,” ani ni Carlo.

Labis naman ang tuwa ni Rosana nang mabasa ang mensahe mula sa iniidolong aktres.

Natakdang mabakunahan ang ginang ng first dose sa susunod na linggo.

Samantala, tingnan ang ilang celebrities na naging bahagi ng vaccination drive para sa media at entertainment workers sa gallery na ito: