
Idinaan sa isang Instagram post ng Kapuso singer na si Lani Misalucha ang kanyang ginagawang recovery matapos siyang magkaroon ng shingles.
Ayon sa tinaguriang Asia's Nightingale, nabahala ang kanyang pamilya at mga kaibigan dahil sa kanyang biglaang pagkakasakit.
Kuwento niya sa kanyang post, "Marami pong curious kung ano ba talaga ang nangyari sa akin o anong sakit ang dumapo sa akin. Nagkaroon po ako ng shingles. Ang chaka! Shingles ay chickenpox virus."
Nagbigay din ng paalala ang dating The Clash judge na si Lani na maaari pa ring magkaroon ng chickenpox ang sino mang nagkaroon na nito noon.
Aniya, "Kung nagkaroon na tayo ng chicken pox nung bata pa tayo puwede siya umulit later in our life [in other words kapag MATANDA na] especially kung mababa ang resistensya o ang immune system ng katawan natin."
Sinigurado naman ni Lani na kasalukuyan na siyang nagpapagaling at nagpasalamat sa lahat ng nagdasal para sa kanyang fast recovery.
"Thank you uli sa lahat ng inyong mga messages na nagpapalakas sa akin at sa mga nag deliver ng mga food sa bahay (na nagpataba naman sa akin)," ani Lani.
Sa nasabing post, makikita ang larawan ni Lani kung saan hawak niya ang isang tangkay ng malunggay. Ikukuwento raw ng Kapuso singer kung para saan ito sa susunod niyang post.
Samantala, nakatakda ring magpasaya si Lani ng mga Pinoy sa U.S. kasama sina Aiai Delas Alas, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Bea Alonzo, at Dingdong Dantes sa GMA Pinoy TV "Together Again" concert ngayong September 24 at 25.
SILIPIN NAMAN ANG ILANG FASHIONABLE OOTD PHOTOS NI LANI MISALUCHA SA GALLERY NA ITO: