
Isang sorpresa ang natanggap nina Chris Tiu, Shaira Diaz, at ng iBilib sa pagbisita ng gobal fashion and style icon at The People Have Spoken host Heart Evangelista.
Sa recent taping ng naturang science infotainment show, bumisita ang mga estudyante mula sa Bachelor of Arts in Mass Communication and Journalism program ng Pasig Catholic College. Bahagi ito ng studio visits na ginagawa ng GMA Communications Group para magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante ng media at communication na mapanood at malaman ang nangyayari sa likod ng taping ng mga programa.
Habang nasa taping, naobserbahan din ng mga estudyanteng bumisita ang paggawa nina Chris, Shaira, at MikMik ng experiments. Pagkatapos ng taping, nagbigay oras din si Chris at Shaira makipagkumustahan sa kanilang mga bisita, at sumagot ng ilang katanungan.
Naging pagkakataon din ito para ibahagi ni Chris ang tungkol sa adbokasiya ng network na “Matuto. Matuwa. Be Juan Tama” campaign na naglalayon na turuan ang mga manonood maging mapanuri at mamili ng tamang programa na panoorin.
Habang nagpapaliwanag si Chris kung tungkol saan ang naturang adbokasiya, ginulat siya ng pagdating ni Heart, isa sa mga dating co-host niya sa iBilib at tila nagkaroon ng impromptu reunion ang dalawa.
KILALANIN ANG MGA NAGING CO-HOSTS AT GUEST CO-HOSTS NI CHRIS SA 'IBILIB' SA GALLERY NA ITO:
Hindi na rin nagtagal pa si Heart sa taping dahil kasabay nito ang contract renewal niya sa GMA Network kung saan nag-iintay ang ilan sa mga executive at press sa kaniya. Sa kabila ng maiksing sandali, nagawa pa rin nilang magkumustahan at balikan ang ilang mga episode na nagkasama sila sa show.
Kabilang sa “Be Juan Tama” campaign ang infotainment shows tulad ng iBilib, Amazing Earth, Fast Talk with Boy Abunda, at Planet XP. Katuwang ng GMA Network ang Anak TV Foundation, National Council for Children's Television, World Wide Fund for Nature Philippines (WFF-PH), Office of Civil Defense, Philippine Entertainment Portal (PEP), at Philippine Women's University.
Mapapanood ang IBilib sa Kapuso Network tuwing Linggo ng umaga, 9:35 AM, pagkatapos ng Born To Be Wild.