
Nag-e-enjoy at tila nakakadama raw ng nostalgia ang lead actor ng You're My Favorite Song na si Heath Jornales sa mga eksena sa serye kamakailan. Bumalik kasi ang kaniyang karakter na si Miguel sa pag-aaral sa Brighton Bay Academy.
Nagdesisyon si Miguel na bumalik sa pag-aaral dahil kailangan niyang sumailalim sa anim na buwang hiatus sa pagkanta at pag-perform sa bandang Siklab. Ito ay base sa payo ng doktor matapos makitaan ng lesions ang kaniyang vocal chords.
Pumasok siya sa Brighton Bay Academy, ang paaralang pinapasukan ng lead character na si Angel, na ginagampanan ng Kapuso young actress na si Caprice Cayetano; at ng bully na si Calix, na ginagampanan naman ni Clifford.
Kasama ni Miguel sa pagpasok sa nasabing paaralan ang kaniyang matalik na kaibigan at kabanda na si Jacob, na ginagampanan naman ng Sparkle actor na si Geo Mhanna.
Sa isang eksklusibong panayam sa "Chika Minute" report ng 24 Oras, binalikan ni Heath ang kaniyang mga karanasan noong siya ay nag-aaral pa ng face-to-face.
Inilarawan ng aktor ang kaniyang sarili bilang estudyanteng pasimuno ng ingay sa klase noon.
“Kahit sa real school ko dati, ako po 'yun pinakamaingay po doon, kaya nadala ko po sa eksena,” ani Heath.
Dahil ang karamihan sa mga eksena sa serye ay nasa loob ng school, ramdam daw niya ang pagka-miss face-to-face classes.
“I really miss face-to-face since homeschool nga po ako,” sabi ni Heath.
Bukod dito, nagbahagi rin kamakailan ang Kapuso young actor sa kaniyang social media account ng behind-the-scenes photos mula sa set ng kanilang GMA Afternoon Prime series.
Dahil sa umaapaw na suporta ng mga manonood, agad na naging trending topics ang serye; kaya naman hindi napigilan ng aktor na magpaabot ng kaniyang taos-pusong pasasalamat.
“#YMFS is trending! Thank you Buzzbears! #YoureMyFavoriteSong,” sulat ni Heath sa caption ng kaniyang post.
Isa rin sa ipinagpapasalamat ng aktor ay ang bagong milestone na nakamit ng kanilang serye matapos itong makalikom ng 100 million views sa social media, na nagresulta sa 60% increase sa online viewership nito sa ikalawang linggo pa lamang.
Ani pa ng aktor, labis ang kaniyang pasasalamat sa walang sawang suportang natatanggap nila mula sa mga manonood, na aniya ay lubos nilang pinapahalagahan.
“That's amazing everyone! I just wanna say thank you so much po sa pag-support ng show po namin and we really appreciate the support na binibigay niyo,” sabi ni Heath.
Patuloy na subaybayan si Heath bilang si Miguel sa You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Heath Jornales, ipinakita ang back-to-school vibes sa You're My Favorite Song