
Ipinahayag ng young Kapuso actor na si Heath Jornales sa isang eksklusibong panayam sa Chika Minute sa 24 Oras ang kaniyang excitement dahil nalalapit na ang kaniyang first solo concert sa Setyembre, na pimagatang Heath's Time.
Ayon kay Heath, umaapaw ang kaniyang pananabik sa kaniyang concert dahil na rin mapapakinggan siya ng kaniyang mga fans na mag-perform at kantahin ang kaniyang mga kanta na tiyak na ikatutuwa at kagigiliwan ng mga ito.
“Super excited dahil 'yung mga kakantahin ko rin po doon, I'm sure matutuwa rin po 'yung mga tao,” ani Heath.
Kasabay ng kaniyang matagumpay na pagiging bida sa hit GMA Afternoon Prime romance-drama na You're My Favorite Song na nagtapos kamakailan lang, nag-release din siya ng isang self-titled extensive play (EP) kung saan tampok ang ilan sa mga kantang kaniyang ginawa at ipinerform din sa ilang mga programa sa telebisyon at sa radyo.
Kabilang sa EP na ito ni Heath ay ang mga kantang Back To You, Ikaw Pa Rin Hanggang Ngayon, Promised Land, Coffee Shop, at Far Away. Umani naman ng kabuuang 1.6 million streams na ang naturang extensive play ng young Kapuso actor sa streaming platform na Spotify.
Sa kaniyang panayam, umaapaw sa pasasalamat si Heath dahil sa sunod-sunod na blessing na natatanggap.
“I'm just really thankful na lahat ng mga blessing po na ito arrived,” pahayag ni Heath.
“Ayun, I'm just overwhelmed by happiness,” dagdag pa ng aktor.
Kamakailan, inanunsyo ng Kapuso artist management arm na Sparkle GMA Artist Center at ng Kapamilya record label na StarPop ang pagbabago sa iskedyul ng kaniyang inaabangang solo concert.
Mula sa orihinal na petsa nitong Hulyo 19, nailipat ang concert sa darating na Setyembre 5. Sa kabila ng pagbabago sa petsa, tuloy na tuloy pa rin ang pagdaraos nito sa New Frontier Theater.
Samantala, mapapanood si Heath bilang guest star sa GMA Prime series na Taskforce Firewall. Eere ang serye Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime, na naka-simulcast din sa GMA-7, Heart of Asia, at I Heart Movies.
May second telecast naman ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at maaari ding ipanood sa GMA Play.
Related Gallery: Heath Jornales serves ultimate heartthrob energy in new street-style photos