
Ikinuwento ng young Kapuso actor na si Heath Jornales ang kaniyang pagka-miss sa mga kaibigan at co-stars sa katatapos lang na seryeng You're My Favorite Song.
Nagtapos noong Hulyo 31 ang hit romance-drama series ng GMA Afternoon Prime. Maraming tagasubaybay ang tumutok sa kuwento ni Angel, ang karakter ng aktres na si Caprice Cayetano, at sa tatlong binata sa kaniyang buhay: sina Miguel (Heath Jornales), Calix (Clifford), at Zion (Marco Masa).
Sa pagtatapos ng serye, ang karakter ni Miguel ang pinili ni Angel. Kinakiligan ito nang husto ng mga manonood, lalo na ng mga sumusuporta sa tambalang 'CapEath.'
Sa isang eksklusibong panayam sa Chika Minute ng 24 Oras, muling ipinahayag ng young actor ang kaniyang pangungulila sa ginawang proyekto at sa mga kaibigang nakasama rito. Umaasa siyang muli silang magkakasama sa mga susunod na proyekto.
“Our journey doesn't end there pa, magkikita-kita pa kami ulit in the future,” ani Heath.
Dahil sa mainit na pagtangkilik ng mga tagahanga sa kanilang palabas, inihayag din ni Heath ang kaniyang kagustuhang magkaroon ito ng kasunod na yugto.
“Sana magka-season two,” dagdag pa niya.
Samantala, matapos ang kaniyang pagganap sa naturang hit afternoon series, muling sasabak sa aksyon si Heath bilang guest sa GMA Prime series na Taskforce Firewall.
Sa kaniyang panayam, ipinahayag ng young Kapuso actor ang kaniyang kasabikan sa bagong proyekto. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa kaniyang ama na nagturo sa kaniya ng martial arts, na kaniya namang nagagamit sa mga pangarap niyang action scenes.
“I'm super thankful po for my dad na tinuruan niya ako starting young, hanggang ngayon tinuturuan niya pa rin ako,” pahayag ni Heath.
“Mas gamay ko po 'yung action. Nangangati na po akong mag-fight scene,” nasasabik niyang dagdag.
Bago pa man ito, naghahanda na rin ang young actor para sa isa pang malaking action series kung saan kabilang siya: ang Hari ng Tondo, na pinagbibidahan nina Ruru Madrid at Dennis Trillo.
Kamakailan lang ay ipinamalas din ni Heath ang kaniyang galing sa aksyon nang lumabas siya bilang guest star sa GMA Prime series na Never Say Die, kasama si Raheel Bhyria at ang mga lead stars nito na sina Jillian Ward at David Licauco.
Abangan si Heath sa Taskforce Firewall, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime! Naka-simulcast ito sa GMA-7, Heart of Asia, at I Heart Movies. May second telecast din ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din GMA Play.
Related Gallery: Heath Jornales as a multi-talented actor