
Hindi lang viewers ang namamangha at excited sa nalalapit na pagpapalabas ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition kundi pati na rin ang Filipino celebrities.
Isa na sa kanila ang dating housemate na si Heaven Peralejo na nakapanayam ni Tito Boy Abunda kamakailan lang sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa exclusive interview, sinagot ni Heaven ang tanong ni Tito Boy na kung sino sa Kapuso stars ang gusto niyang makasama sa Bahay ni Kuya kung sakaling muli siyang papasukin dito.
Ayon sa Kapamilya star, “Mikee Quintos. I like Ate Mikee.”
Kasunod nito, inilarawan niya kung bakit ang Sparkle star at SLAY actress na si Mikee ang gusto niyang makita at makasama sa Big Brother house.
“Magka-school kami and I just feel like she's super cool. Magkausap kami online. Sana siya ang makasama ko,” sabi ni Heaven.
Samantala, kaabang-abang sa bagong season ng Pinoy Big Brother ang unang beses na pagsasama-sama ng Sparkle at Star Magic artists sa loob ng iisang bahay.
Sinu-sino kaya ang celebrities na papasok sa Bahay ni Kuya?
Magsisimula nang ipalabas ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa darating na March 9.
Abangan ang iba pang detalye tungkol dito sa GMANetwork.com at iba pang social media platforms ng GMA at ABS-CBN.