Showbiz News

TikTok, iba-ban na sa Pilipinas?

By Dianara Alegre

Pangontra bagot para sa marami ngayon ang paggamit ng Chinese-company owned short video app na TikTok ngunit ipapa-ban umano ito ni US President Donald Trump dahil banta umano ito sa seguridad ng bansa. Paano naman sa Pilipinas?

Ayon sa ulat ni Kapuso broadcast journalist Oscar Oida para sa 24 Oras, wala raw nakikitang dahilan ang Malacañang para i-ban ang TikTok sa bansa.

“Wala pong kahit anong website na bina-ban ang Presidente. Wala pong dahilan na nakikita para i-ban ang TikTok dito sa Pilipinas,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sang-ayon naman dito ang aktor na si Gardo Versoza na isang TikTok user.

Ang account ng aktor ay naglalaman ng mga nakaaaliw na dance videos kasama ang kanyang asawa na si Ivy Vicencio.

Aniya, “Marami siyang napapasaya, e. Tapos at the same time hindi siya magastos, napaka-praktikal. Nakakapag-exercise ka.

“'Yung iba parang nakakapag-workshops, nakakagawa ng mga acting piece through TikTok. Maraming mga advantage at benefit.”

Kaugnay ng umano'y banta sa seguridad na ikinababahala ni Pres. Trump, sinabi ni Gardo na lahat naman ng applications ay humihingi ng mga personal na impormasyon bago magamit.

“Lahat naman ng applications, may mga ganyang tema, e. So, nasa parang personal na pangangalaga na lang natin kung paano protektahan 'yung inaalala natin sa privacy,” sabi pa niya.

Gardo Versoza / gardo_versoza (IG)

Samantala, hiningian din ng Kapuso broadcast journalist ng opinyon ang internet sensation na si Walang Ganun Mars tungkol sa usaping ito.

Aniya, “Bakit naman iba-ban ang TikTok sa Pilipinas? Bakit ano bang ginagawa ng TikTok? Maganda nga ang TikTok kasi isa 'yan sa libangan ng mga kabataan, kasi nga bawal lumabas.”

Walang Ganun Mars / Walang Ganun Mars (FB)

Hindi lang mga ordinaryong netizens ang nag-e-enjoy sa paggamit ng TikTok dahil pati ilang Kapuso celebrities ay nahumaling na rin sa paggawa ng mga nakaaaliw na videos dito.

Ilan sa kanila ay sina Mark Herras, Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Rayver Cruz, Rodjun Cruz, Sofia Pablo, Heart Evangelista, Julie Anne San Jose, at marami pang iba.

LOOK: Kapuso stars you need to follow on TikTok