
Muling natunghayan sa telebisyon ang unang kwento mula sa first season ng hit GMA Telebabad miniseries na I Can See You na pinamagatang "Love on the Balcony" sa GMA Afternoon Prime. Pinagbidahan ito nina Asia's Multimedia Star Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Sa kwento, matapos ang ilang linggong panliligaw at suyuan ay inamin na ni Iñigo (Alden Richards) ang kanyang nararamdaman sa frontliner nurse na si Lea (Jasmine Curtis-Smith).
Ginawa niya ang confession sa inihanda niyang dinner date para sa kanilang dalawa sa vicinity ng tinutuluyan nilang residence.
Naging maganda ang takbo ng proposal ni Iñigo kay Lea dahil inamin din ni Lea na gustong-gusto niya rin ang binata.
Pero hindi naging maganda ang kinahinatnan nito nang bigla na lang hindi nagpakita si Lea.
Matapos aminin ni Iñigo ang tunay na nararamdaman para sa nurse, nagulantang naman siya sa ibinalita ng kaibigan ni Lea na si Deedee (Denise Barbacena).
Isang buwan na pala mula nang bawian ng buhay si Lea dahil sa COVID-19.
Lingid ito sa kaalaman ni Iñigo dahil mahigit isang buwan din niyang iniwasan si Lea nang malaman niyang pilit siyang inilalapit ng dalaga sa nanay niyang hindi pa niya napapatawad dahil sa pang-iiwan nito noon sa kanya.
Dito na nalaman ni Iñigo na kaluluwa na lamang pala ni Lea ang nakasama niya noong gabing inamin niyang mahal niya ito.
Labis na sakit at panghihinayang ang naramdaman ni Iñigo sa pagkawala ni Lea.
Sandali man ang kanilang naging ugnayan, may makabuluhang dahilan kung bakit nakilala ni Iñigo si Lea.
Naging tulay ang dalaga para mapatawad ng binata ng kanyang ina na si Cons (Shyr Valdez) para makapagsimula na rin sila ng panibagong buhay na magkasama.
Panoorin ang mga makabagdamdaming tagpo na ito sa video sa itaas.
Orihinal na pinalabas ang I Can See You: Love on the Balcony noong September 28, 2020 hanggang October 2, 2020.
Parte rin ng miniseries sina Pancho Magno, Denise Barbacena, at Shyr Valdez.
Mula ito sa direksyon ni LA Madridejos.