
Apat na magkakaibang kuwento ng mga ina ang hatid ng Magpakailanman ngayong buong buwan ng Mayo.
Mapapanood ang unang special episode na pinamagatang "Ang Inang Hindi Sumuko: The Nanay Minerva Panganiban Story" sa Sabado, isang araw bago ang mismong Mother's Day, May 9.
Tungkol ito sa isang nanay na nag-viral at umantig sa damdamin ng mga netizens dahil sa patuloy na pag-aalaga sa kanyang mga anak sa kabila ng kanyang edad at humihinang katawan.
Bibida sa episode si Amy Austria, kasama sina Soliman Cruz, Patricia Tumulak, Prince Clemente, Jeff Moses, Matthew Uy, at Miggs Cuaderno.
Susundan ito ng sensitibong usapin ng teenage pregnancy sa "Batang Nanay, Tatlong Panganay" sa May 16.
Tampok rito ang sexy actress na si AJ Raval sa kanyang kauna-unahang Magpakailanman episode.
Bibigyang-buhay niya ang kuwento ng isang babae na magbubuntis sa murang edad na 16 matapos makaranas ng pang-aabuso ng kanyang amo.
Sa patuloy niyang paghahanap ng pag-ibig, magkakaroon pa siya ng dalawang anak mula sa dalawang magkaibang lalaki.
Matatagpuan kaya niya ang inaasam na pagmamahal at suporta para sa sarili at sa mga anak?
Marami namang makaka-relate sa ikatlong episode ng Magpakailanman ngayong Mother's Month na "Mana sa Ina" na mapapanood sa May 23.
Tampok dito ang kuwento ng isang babaeng lumaki sa isang dysfunctional na pamilya na gagampanan ni Arra San Agustin.
Abusado at babaero ang kanyang ama, habang nananatili namang martir ang kanyang ina sa kabila ng lahat ng ito.
Ipapangako niya sa sariling hindi siya matutulad sa kanyang ina ngunit matatagpuan na lamang niya ang kanyang sarili sa gitna ng isang masalimuot na love triangle alang-alang sa pag-ibig at sa kapakanan ng sariling anak.
Bukod kay Arra, kasama rin sa episode sina Maricar De Mesa, Polo Ravales, Regine Tolentino, Gil Cuerva, Gian Magdangal, Rathian Cordero, at Erika Davis.
Isang nakakakilabot na episode naman na pinamagatang "Itim na Dwende" ang mapapanood sa May 30.
Kuwento ito ng isang biyudang overseas Filipino worker (OFW) na nagsisikap para sa kanyang pamilya.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, masasapian ng masamang dwende ang isa sa kanyang mga anak.
Paano niya matutulungan ang pamilya kung malayo siya sa mga ito?
Abangan ang apat na Mother's Month specials sa May 9, 16, 23, at 30, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play. Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.