
Aminado ang singer at songwriter na si Ice Seguerra na isa sa mga takot niya ay ang hindi mabigyan ng karapatan ang LGBTQIA+ couples. Ayon pa sa kaniya, madalas nakararamdam siya ng sakit tuwing napag-uusapan nila ng asawang si Liza Diño ang tungkol dito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 23, tinanong ng host na si Boy Abunda kung napag-uusapan nina Ice at Liza ang kawalan nila ng karapatan bilang mag-asawa.
“It comes up every once in a while, Tito Boy. We talk about it and every time we talk about it, laging merong pain na kasama kasi 'yun nga e, we've built a life together,” sabi ni Ice.
Pagpapatuloy niya, “It's so weird na business partners have more rights than couples like us na pareho naman. Pareho naman kaming nagbabayad sa bahay, so parang hindi namin maintindihan kung bakit.”
Ayon kay Ice, alam naman nilang kailangan nilang makasal sa simbahan para ma-recognize ang kanilang karapatan bilang mag-asawa. Ngunit sinabi rin ng singer na hindi naman nila kailangan makasal sa simbahan dahil, “We respect their beliefs so much.”
“But I think, it's also important for the state to recognize the rights that couples like us exist. Hindi pwedeng dahil sa mga beliefs e isasantabi niyo 'yung karapatan din ng marami sa atin,” sabi niya.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA INSPIRING LGBTQIA+ COUPLES SA GALLERY NA ITO:
p>
Sang-ayon din si Ice sa sinabi ni Boy na meron siyang lungkot, kaunting galit, at tampo na hindi nire-recognize ang pagiging kasal ng LGBTQIA+ couples. Ang masakit pa umano para kay Ice, kailangan niyang i-tick ang box na 'single' sa forms, kahit na kasal siya.
“Ako, proud ako na kinasal ako sa asawa kong mahal na mahal ko, e. 'Tapos 'pag kailangan, ang iti-tick mong box, 'single.' Alam mo 'yung hirap na hirap akong i-tick 'yung box na 'yun,” aniya.
Pagpapatuloy ni Ice, “Nakakaiyak siya, parang, 'Hindi ako single, e. Alam ko may asawa ako, e. Bakit kailangan single ko i-tick?'”
Dito, nabanggit ni Ice na suwerte ang straight couples dahil automatic na nilang tini-tick ang 'married' na box.“
"But parang for people like us na wala 'yung ganung karapatan, it means so much," ani Ice.
Nilinaw rin ni Ice na pareho lang naman ang pagmamahal nila bilang LGBTQIA+ couple sa mga heterosexual couples.
“Parehong pagmamahal, parehong pangarap, parehong mga takot, pare-pareho lang,"pagtatapos ni Ice.