
May isang dekada nang magkarelasyon ang celebrity couple na sina Inah de Belen at Jake Vargas. Sa katunayan, nagli-live in na rin ang dalawa. Kaya naman, tanong ng marami, bakit nga ba hindi pa nagpapakasal ang dalawa?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, July 17, inamin ni Inah, ilang beses na umano niyang sinab kay Jake na ayaw niyang magpakasal.
“I did not want to get married because of what happened with my parents. But now, medyo okay na 'ko, gusto ko na,” sabi ni Inah.
Inamin din ni Jake na nakakarinig din siya mula sa kaniyang pamilya at mga kaibigan ng komento at tanong kung bakit hindi pa sila nagpapakasal. Ang sagot ng aktor, “Sa 'kin naman, 'yung pagpapakasal naman, mangyayari din naman siya, may plano naman kami, Tito Boy, hindi naman namin minamadali.”
Pagpapatuloy pa ni Jake, gusto nila ay kung magpapakasal man sila ay iyong panahon na “swak na swak” na sila sa isa't isa.
BALIKAN ANG ILAN SA SWEETEST PHOTOS NINA JAKE AT INAH SA GALLERY NA ITO:
Sa naunang panayam kay Jake ni King of Talk Boy Abunda sa parehong GMA Afternoon Prime talk show noong June 2 kasama si Manilyn Reynes, ibinahagi niyang nananatiling matatag ang kanilang relasyon dahil sa pagmamahal.
“Masasabi ko is hindi po talaga nawawala 'yung love kahit sobrang tagal na po naming magkasama and hindi po nawawala 'yung respeto ko sa family niya and sa bawat isa sa amin, sa isa't isa,” sabi ni Jake.
Inilarawan ng aktor si Inah bilang kaniyang pahinga, at sinabing kulang ang araw ng aktor kung wala ito.