
Matapos mag-premiere sa Argentina noong nakaraang taon, ipapalabas na sa Pilipinas ang international movie ni Andrea Torres na Pasional.
Ayon sa Instagram post ng management ng aktres na Sparkle, mapapanood ito sa mga sinehan simula February 14. Kalakip ng post ang trailer ng pelikula na pinagbibidahan ng Kapuso star at ng Argentinian actor na si Marcelo Melingo. Sa trailer, mapapanood din ang kapwa Sparkle artist ni Andrea na si Rita Daniela.
Ang Pasional ay isang Argentinian romantic film sa ilalim ng produksyon ng Malevo Films. Mula ito sa direksyon ni Francisco D'Intino at co-produced ng GMA Network.
Sa pelikula, gumaganap si Andrea bilang Mahalia, isang Filipina tango dancer.
Nagsimula ang kanilang shooting noong 2021 at kinunan ang mga eksena sa Argentina at Pilipinas, partikular na sa Camarines Sur at Palawan.
Parte rin ang veteran theater actor na si Miguel Faustmann ng cast ng Pasional na huling pelikula niya bago pumanaw sa edad na 67.