
Award-winning films na may strong female leads ang tampok ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.
Kabilang diyan ang Isda mula sa direktor na si Adolf Alix Jr. at pinagbidahan ng mga batikang aktor na sina Cherry Pie Picache at Bembol Roco.
Base ito sa maikling kuwentong "Isda" ni Jerry Gracio na siya ring nagsilbing screenwriter ng pelikula.
Tungkol ito sa mag-asawang nangangalakal ng basura sa isang dumpsite at mabibiyayaan ng anak matapos ang maraming taon na paghahangad nito.
Pero hindi bata ang mailuluwal sa kanila kundi isang isda.
Nakamit ng pelikula ang award para sa Best Editing sa 7th Cinemalaya Independent Film Festival noong 2011. Hinirang din si Bembol Roco bilang Best Actor para sa kanyang pagganap sa pelikula.
Abangan ang Isda, June 2, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood din ang war drama film na Mindanao na mula sa award-winning director na si Brillante Mendoza at pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon.
Kuwento ito ng isang babaeng Muslim na nag-aalaga ng anak niyang may cancer habang hinihintay ang pagbabalik ng asawa niyang combat medic na lumalaban sa mga rebelde sa Mindanao.
Dahil sa kanyang pagganap sa pelikula, pinarangalan si Judy Ann Santos bilang Best Actress, habang iginawad naman kay Direk Brillante Mendoza ang Henry Barakat Award for Best Artistic Contribution sa 41st Cairo International Film Festival noong 2019.
Humakot din ito ng mga parangal sa 45th Metro Manila Film Festival kabilang ang Best Picture, Best Director, at marami pang iba.
Tunghayan ang Mindanao, June 3, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available rin ito sa iba pang digital television receivers.