
Noong June 18 ay opisyal na naging isang Kapuso si Marietta Subong-O'Brian o mas kilala bilang si Pokwang.
Sa isang Instagram post ni Pokwang, nagpaabot siya ng pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa kanya bilang isa nang ganap na Kapuso.
“Maraming Salamat po @GMA Network @Artist Center, excited sa mga magaganap soon…”
Kasunod nito, umarangkada na agad si Pokwang sa pagtatrabahao at napanood na sa ilang GMA shows.
Una siyang sumabak sa Magpakailanan at gumanap bilang “Nanay Kontesera.”
Binigyang buhay ni Pokwang ang istorya ni Helen, isang ina na maabilidad at ginagawa ang lahat, mula sa pagtitinda at pati sa pagsali sa beauty pageants upang may maipakain sa kanyang mga anak.
At dahil isa ring nanay sI Pokwang sa dalawang anak na babae, malapit ang istorya ni Helen sa kanya.
Kung si Helen ay isang kontesera sa beauty competitions, si Pokwang naman ay isa rin palang kontesera noon.
Sa isang interview, ibinahagi ni Pokwang ang pagsali nito sa mga contest.
“Dance contest ang madalas kong salihan noong bata pa ako. Lahat ng pa-fiesta at kahit sa TV.”
Tulad ni Helen, isa ring masipag at mapagmahal na ina si Pokwang sa kanyang mga anak na sina Mae at Malia.
Laki rin sa hirap si Pokwang at maagang namulat sa realidad ng buhay.
Bago maging isang komedyante na tinitingala ngayon ng marami, iba't ibang trabaho ang sinubukan at pinagtiyagaan ni Pokwang noon upang makaahon sa buhay.
Matapos bumida sa Magpakailanman, sunud-suod na rin ang guestings niya sa ilan pang programa sa GMA bilang isang Kapuso actress at comedian.
Naging guest player na rin si Pokwang sa segment ng Eat Bulaga na “Bawal Judgemental,” Mars Pa More, at iba pang GMA shows.
Unang nakilala si Pokwang matapos sumali sa isang comedy reality show. Mula rito sumikat na siya ng husto at nagtuloy-tuloy na ang career niya bilang isang mahusay na komedyante.
Nakilala rin si Pokwang sa pagganap na nanay sa ilang mga pelikula.
Tampok mamaya sa Tunay Na Buhay, 11:30 p.m. sa GMA-7, ang buong istorya ni Pokwang kung ano nga ba ang kanyang mga pinagdaanan at naging karanasan noong hindi pa siya nahahagip ng camera.