
Sunud-sunod ang guest appearance ni Pokwang simula nang pumirma siya ng kontrata sa GMA Network.
Nasilayan ang comedy actress sa mga palabas tulad ng The Boobay and Tekla Show, Sarap, 'Di Ba?, All Out Sundays, at sa unang episode ng 19th anniversary special ng Wish Ko Lang.
Ngayong Sabado, July 10, bibida si Pokwang sa unang pagkakataon sa isang brand new episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Gaganap siya dito bilang si Helen, isang nanay na rumaraket sa pagsali ng mga beauty contests.
"Siya 'yung nanay na hindi mo nakikitaan ng panghihina ng loob--matapang na nanay, ika nga," paglalarawan ni Pokwang sa kanyang karakter.
Makakasama ni Pokwang sa episode si Boom Labrusca bilang kanyang asawang si Rolando.
Gaganap naman bilang mga anak niya sina Ayra Mariano at Gold Aceron, habang supportive na kapatid niyang si Lorna naman ang role ni Tart Carlos.
Para kay Pokwang, marami raw aral na mapupulot sa kanilang episode.
"Habangbuhay kang nanay, so habang buhay na dapat 'yung tatag mo.
"Kumakapit din sa iyo 'yung family mo, 'yung mga anak mo.
"Humuhugot sila sa iyo ng tapang to survive, especially itong pinagdadaanan ng buong mundo.
"Dito tayo dapat lalong maging mas malakas, maging mas matatag bilang nanay," aniya.
Panoorin ang buong interview ni Pokwang sa ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas. Kung hindi ito mag-load nang maayos, maaaring panoorin dito.
Huwag palamapsin ang unang #MPK episode ni Pokwang na pinamagatang "Nanay Kontesera," ngayong Sabado, July 10, 8:00 pm sa #MPK.
Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito.