
Naharana muli ang madlang Kapuso sa isang madamdaming awitin sa noontime program na It's Showtime noong Lunes (July 22).
Sa patok na segment na "EXpecially For You", maraming naantig ang kanilang damdamin habang pinapakinggan ang emotional rendition ng Kapuso star na si John Rex sa kantang "The One That Got Away" ni Katy Perry.
Habang hinaharana niya ang audience, kasabay pumasok sa stage ang ex-couple guest. Para sa madlang people, tila raw dumagdag ang emosyon ng studio habang umaawit ang Kapuso singer at nakikitang vibes ng dalawang guest.
Pagkatapos ng special number, lumapit sa stage si Vice Ganda at pinuri si John.
"Thank you. Ang ganda nu'n. Ang ganda ng boses ni John Rex," papuri ni Vice.
"Iba si John Rex," sabi naman ni Jhong Hilario.
Napangiti rin ang lahat nang biglang pinuri rin ni Kim Chiu ang dashing look ng Sparkle star sa kamakailan lang na GMA Gala 2024.
"Iba din ang pagrampa niya sa GMA Gala, " masayang sinabi ni Kim.
Nagpasalamat si John sa mga papuri at pati na rin sa pagsama nila sa gala.
"And we're happy na nakita namin kayo sa GMA Gala, " sabi ni John.
Masaya rin ang mga host na makasama sa dazzling night at nagpasalamat pa on air sa GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Pictures, na si Atty. Annette Gozon-Valdes.
"Masaya yung GMA Gala in fairness. Hi Ms. Annette! Thank you very much," pahayag ni Vice.
Nitong Sabado (July 20), ginanap ang awaited night ng GMA Gala 2024 sa Marriott Grand Ballroom. Mahigit 1,000 guests ang dumalo sa grand event na puno ng celebrities, news personalities, beauty queens, internet stars, at politicians.
Nagpakitang gilas at umawra ang It's Showtime hosts na sina Vice Ganda, Jhong Hilario, Vhong Navarro, Ogie Alcasid, Ryan Bang, Darren Espanto, at Cianne Dominguez sa red carpet.
Naging usapan din sila sa social media, lalo na sa X (dating Twitter), dahil sa kanilang kulitan sa panayam nila kasama ang Kapuso anchor at personality na si Martin Javier.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang mga stunning at dashing looks ng GMA Gala 2024 attendees sa gallery na ito: